Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
97 Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo!
Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo!
2 Ang paligid niya'y ulap na punô ng kadiliman,
kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan.
3 Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,
sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
4 Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,
kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
5 Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw,
sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan.
6 Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
7 Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.
Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
8 Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya,
nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,
dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
9 Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
10 Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama,
siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya;
sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya.
11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
12 Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak,
sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat.
7 Nangyari ito sa mga Israelita sapagkat nagkasala sila kay Yahweh na kanilang Diyos na naglabas sa kanila sa Egipto, mula sa pagpapahirap ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba rin sila sa ibang mga diyos 8 at ginaya ang mga kaugalian ng mga bansang itinaboy ni Yahweh mula sa lupaing sinakop nila. Bukod dito, sumunod sila sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel. 9 Sila'y gumawa ng mga bagay na labag sa kalooban ni Yahweh. Pumili sila ng mga sagradong burol sa bawat bayan, mula sa pinakamaliit na nayon hanggang sa pinakamalaking lunsod. 10 Naglagay(A) din sila ng mga haligi at mga rebulto ni Ashera sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy. 11 Doon sila nagsusunog ng insenso tulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga lupaing sinakop nila. Nagalit si Yahweh sa kanila dahil sa mga kasamaang ito. 12 Naglingkod sila sa mga diyus-diyosan na mahigpit na ipinagbabawal ni Yahweh. 13 Kahit na binalaan ni Yahweh ang Israel at ang Juda sa pamamagitan ng kanyang mga sugo at mga propeta nang sabihin niya, “Talikuran ninyo ang inyong mga kasamaan at mamuhay kayo ayon sa kautusang ibinigay ko sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta,” 14 hindi nila ito pinakinggan. Sa halip, nagmatigas sila tulad ng kanilang mga ninuno na hindi nagtiwala kay Yahweh na kanilang Diyos. 15 Itinakwil nila ang kanyang mga utos, sinira ang kasunduang ginawa ni Yahweh sa kanilang mga ninuno, at binaliwala ang mga babala niya sa kanila. Sila'y naglingkod sa mga diyos na walang kabuluhan kaya nawalan din sila ng kabuluhan. Tinularan nila ang mga kaugalian ng mga bansang nakapaligid sa kanila na sa simula pa'y ipinagbawal na ni Yahweh. 16 Nilabag(B) nilang lahat ang mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at gumawa ng dalawang guyang metal. Iginawa rin nila ng rebulto ang diyus-diyosang si Ashera. Sinamba nila ang araw, buwan at mga bituin at naglingkod din kay Baal. 17 Sinunog(C) nila bilang handog ang kanilang mga anak na lalaki't babae. Sumangguni sila sa mga manghuhula at sa mga nakikipag-ugnay sa espiritu ng mga patay. Nalulong sila sa paggawa ng masama. Dahil dito, labis na napoot sa kanila si Yahweh, 18 kaya itinaboy silang lahat mula sa kanyang paningin, maliban sa lipi ni Juda.
19 Ngunit hindi rin sumunod ang Juda sa mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at tinularan nila ang mga kaugalian ng Israel. 20 Itinakwil ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita at pinabayaan niya sila sa malulupit na kaaway hanggang sila'y lubusang malupig.
Si Jesus ang Tinapay na Nagbibigay-buhay
25 Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?”
26 Sumagot si Jesus, “Totoo ang sinasabi kong ito: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27 Huwag(A) ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat ipinapakita ng Diyos Ama na siya ang may ganitong karapatan.”
28 Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”
29 “Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.
30 “Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin? 31 Ang(B) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila'y binigyan niya ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila.
32 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay na galing sa Diyos ay ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.”
34 Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.”
35 Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.