Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 105:1-6

Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)

105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
    ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
    ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
    ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
    lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
    siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
    ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
    gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.

Mga Awit 105:16-22

16 Sa(A) lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating
    itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
17 Subalit(B) ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,
    tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
18 mga(C) paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,
    pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.
19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh,
    na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang(D) ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,
    pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
21 Doon(E) sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
    sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,
    siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.

Mga Awit 105:45

45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
    yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.

Purihin si Yahweh!

Genesis 35:22-29

Ang mga Anak ni Jacob(A)

22 Samantalang(B) sina Israel ay nasa lupaing iyon, sumiping si Ruben kay Bilha na isa sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Nalaman ito ni Israel.

Labindalawa ang mga anak na lalaki ni Jacob: 23 kay Lea, ang naging anak niya'y sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun; 24 kay Raquel, si Jose at si Benjamin; 25 kay Bilha na alipin ni Raquel, si Dan at si Neftali; 26 kay Zilpa naman na alipin ni Lea, ang naging anak niya'y sina Gad at Asher. Sa Mesopotamia ipinanganak ang lahat ng ito.

Namatay si Isaac

27 Dumalaw(C) si Jacob sa kanyang amang si Isaac sa Mamre, na tinatawag ding Lunsod ng Arba o Hebron. Dito rin tumira si Abraham. 28 Si Isaac ay 180 taon 29 nang mamatay at mamahinga sa piling ng kanyang mga ninuno. Siya'y inilibing nina Esau at Jacob.

Mga Gawa 17:10-15

Sa Berea

10 Nang gabi ring iyon ay pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating doon, sila'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio. 11 Mas bukás ang isipan ng mga Judiong tagaroon kaysa sa mga Judiong taga-Tesalonica. May pananabik silang nakinig sa mga paliwanag ni Pablo, at sinaliksik nila araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya. 12 Sumampalataya ang maraming Judio roon, gayundin ang mga Griego, pawang mga lalaki at mga babaing kilala sa lipunan.

13 Subalit nang mabalitaan ng mga Judio sa Tesalonica na ipinapangaral din ni Pablo sa Berea ang salita ng Diyos, sila'y nagpunta roon at sinulsulan ang taong-bayan upang gumawa ng gulo. 14 Kaya't si Pablo'y dali-daling pinaalis ng mga kapatid at pinapunta sa tabing-dagat. Ngunit naiwan sina Silas at Timoteo. 15 Ang mga naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Atenas. Pagkatapos, nagbalik sila sa Berea taglay ang bilin ni Pablo kina Silas at Timoteo na sumunod sa kanya sa lalong madaling panahon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.