Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 28:10-19

Ang Panaginip ni Jacob sa Bethel

10 Umalis si Jacob sa Beer-seba at pumunta sa Haran.

11 Dumating siya sa isang lugar at nagpalipas ng magdamag doon sapagkat lumubog na ang araw. Kumuha siya ng isa sa mga bato sa lugar na iyon at inilagay sa kanyang ulunan, at nahiga roon upang matulog.

12 Siya(A) ay nanaginip na may isang hagdan na nakalagay sa lupa, na ang dulo ay umaabot sa langit, at ang mga anghel ng Diyos ay nagmamanhik-manaog doon.

13 At(B) ang Panginoon ay tumayo sa tabi niya at nagsabi, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac. Ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi.

14 Ang(C) iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at ikaw ay kakalat sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog at ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan mo at ng iyong binhi.

15 Alamin mo na ako'y kasama mo at iingatan kita saan ka man pumunta, at ibabalik kita sa lupaing ito sapagkat hindi kita iiwan hanggang hindi ko nagagawa ang ipinangako ko sa iyo.”

16 Nagising si Jacob sa kanyang panaginip at sinabi, “Tunay na ang Panginoon ay nasa lugar na ito at hindi ko iyon nalalaman.”

17 Siya'y natakot, at kanyang sinabi, “Kakilakilabot ang lugar na ito! Ito'y walang iba kundi ang bahay ng Diyos, at ito ang pintuan ng langit.”

18 Kinaumagahan, si Jacob ay maagang bumangon at kinuha ang batong kanyang inilagay sa ulunan niya, at kanyang itinayo bilang bantayog at kanyang binuhusan ng langis.

19 Ang ipinangalan niya sa lugar na iyon ay Bethel,[a] subalit ang dating pangalan ng lunsod ay Luz.

Mga Awit 139:1-12

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
    nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
    at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
    O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
    at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
    ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.

Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
    O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
    Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
    at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10 doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
    at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11 Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
    at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12 kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
    at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
    ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.

Mga Awit 139:23-24

23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso;
    subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko!
24 At tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin,
    at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan.

Roma 8:12-25

12 Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mamuhay ayon sa laman;

13 sapagkat kung mamuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, subalit kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay.

14 Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos.

15 Sapagkat(A) (B) hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, “Abba![a] Ama!”

16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos.

17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung tunay ngang nagtitiis tayong kasama niya, upang tayo'y luwalhatiin namang kasama niya.

Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin

18 Itinuturing ko na ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.

19 Sapagkat ang masidhing inaasam ng sangnilikha ay ang inaasahang paghahayag ng mga anak ng Diyos.

20 Sapagkat(C) ang sangnilikha ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kanyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa

21 na ang sangnilikha naman ay mapapalaya mula sa pagkaalipin sa kabulukan tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.

22 Sapagkat nalalaman natin na ang buong sangnilikha ay sama-samang dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon.

23 At(D) hindi lamang sangnilikha, kundi pati naman tayo na mayroong mga unang bunga ng Espiritu, na tayo nama'y dumaraing din sa ating mga sarili, sa masidhing paghihintay ng pagkukupkop, ang pagtubos sa ating katawan.

24 Sapagkat tayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pag-asang ito, ngunit ang pag-asang nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat sino nga ang umaasa sa nakikita?

25 Subalit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin itong may pagtitiis.

Mateo 13:24-30

Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

24 Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid.

25 Ngunit samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway at naghasik ng mga damo sa triguhan, at umalis.

26 Kaya't nang sumibol ang mga halaman at namunga ay lumitaw rin ang damo.

27 At ang mga alipin ng puno ng sambahayan ay dumating at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi ba't mabuting binhi ang inihasik mo sa iyong bukid? Saan kaya nanggaling ang mga damo?’

28 Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang gumawa nito.’ At sinabi sa kanya ng mga alipin, ‘Ibig mo bang kami'y pumaroon at tipunin ang mga iyon?’

29 Ngunit sinabi niya, ‘Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga damo ay inyong mabunot pati ang trigo.

30 Hayaan ninyong magkasama silang tumubo hanggang sa anihan, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga damo at pagbigkisin ninyo upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”

Mateo 13:36-43

Ang Kahulugan ng Talinghaga ng mga Damo sa Triguhan

36 Pagkatapos ay iniwan ni Jesus[a] ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga damo sa bukid.”

37 Sumagot siya at sinabi, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao.

38 Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay ang mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng masama.

39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng sanlibutan; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel.

40 Kaya't kung paanong tinitipon ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan.

41 Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang mga gumagawa ng kasamaan;

42 at itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

43 Kung magkagayo'y magliliwanag ang mga matuwid na tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001