Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang(A) Maskil[a] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.
142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
2 ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
3 Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
may handang patibong ang aking kaaway.
4 Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
wala ni isa man akong makatulong;
wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.
5 Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
6 Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
na mas malalakas ang mga katawan.
7 Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
sa kabutihan mong ginawa sa akin!
Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa
15 “Malapit na ang araw ng aking paghatol sa lahat ng bansa,” sabi ni Yahweh.
“Ang ginawa mo Edom, sa iyo'y gagawin din;
ang ibinigay mo sa iba, siya mo ring tatanggapin.
16 Sa banal na bundok ko ay nalasap ng aking bayan
ang mapait na alak na sa kanila'y kaparusahan.
Ngunit ang mga bayan na dito'y nakapaligid,
higit na parusa ang kanilang matitikman;
iinom sila nito at lubos na mapaparam.
Ang Tagumpay ng Israel
17 “Ngunit sa Bundok Zion ay may ilang makakatakas,
at ang bundok na ito'y magiging banal na dako.
Muling aariin ng lahi ni Jacob
ang lupaing sa kanila ay ipinagkaloob.
18 At maglalagablab naman ang lahi ni Jose.
Lilipulin nila ang lahi ni Esau,
at susunugin ito na parang dayami.
Walang matitira isa man sa kanila.
Akong si Yahweh ang maysabi nito.
19 “Sasakupin ng mga taga-Negeb ang Bundok ng Edom.
Sasakupin ng mga nasa kapatagan ang lupain ng mga Filisteo.
Makukuha nila ang lupain ng Efraim at Samaria.
Ang Gilead nama'y sasakupin ng lahi ni Benjamin.
20 Magbabalik ang hukbong binubuo ng mga dinalang-bihag, sila na nagmula sa hilagang Israel.
Sila ang sasakop sa lupain ng Fenicia hanggang sa Zarefat doon sa hilaga.
Ang mga taga-Jerusalem na itinapon sa Sardis[a]
ang siya namang sasakop sa mga lunsod sa timog ng Juda.
21 Ang matagumpay na hukbo ng Jerusalem,
sasalakay sa Edom at doo'y mamamahala.
Si Yahweh mismo ang doo'y maghahari.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(A)
10 Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa kanila?” 11 Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12 Sapagkat(B) ang mayroon ay bibigyan pa, at lalong magkakaroon; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 13 Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. 14 Natutupad(C) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi,
‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa kailanman,
at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita kailanman.
15 Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito;
mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata,
kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata,
nakarinig ang kanilang mga tainga,
nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sila sa akin,
at pinagaling ko sila.’
16 “Subalit(D) pinagpala kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! 17 Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.