Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 126

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
    ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!

Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.

Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!

Nehemias 9:1-8

Ipinahayag ni Ezra ang Kasalanan ng Israel

Noong ika-24 na araw ng buwan ding iyon, nagtipon ang mga Israelita upang mag-ayuno. Nagsuot sila ng damit-panluksa at naglagay ng abo sa kanilang ulo upang ipahayag ang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Lumayo sila sa mga dayuhan. Tumayo sila upang ipahayag ang kanilang mga kasalanan at ng kanilang mga ninuno. Nanatili silang nakatayo sa kanilang kinaroroonan sa loob ng tatlong oras samantalang binabasa sa kanila ang Kautusan ni Yahweh na kanilang Diyos. Pagkatapos, tatlong oras din silang nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at sumamba kay Yahweh na kanilang Diyos. Noo'y nasa isang entablado ang mga Levitang sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Buni, Serebias, Bani at Kenani at nananalangin nang malakas kay Yahweh na kanilang Diyos. Sina Jeshua, Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias ay nanawagan sa mga tao upang sumamba. Sabi nila:

“Tumayo tayo at purihin ang Diyos nating si Yahweh.
    Purihin siya ngayon at magpakailanman!
Purihin ang kanyang dakilang pangalan,
    na higit na dakila sa lahat ng papuri!”

Pagpapahayag ng Kasalanan

At ang lahat ay sama-samang nanalangin ng ganito:
“Yahweh, ikaw lamang ang Panginoon;
    ikaw ang lumikha ng kalangitan
at ginawa mo ang lupa, ang langit ng mga langit,
    ang lahat ng bituin doon, at lahat ng narito;
ang dagat at ang lahat ng naroroon.
    Binibigyang buhay mo sila,
at ika'y sinasamba ng buong kalangitan.
Ikaw,(A) Yahweh, ang Diyos na pumili kay Abram.
    Ikaw ang tumawag sa kanya mula sa bayan ng Ur, sa Caldea
    at pinangalanan mo siyang Abraham.
Nakita(B) mo siyang tapat sa inyo
    at gumawa ka ng kasunduan sa kanya.
Ipinangako mo sa kanya at sa kanyang magiging mga anak
    na ibibigay sa kanila ang lupain ng mga Cananeo,
    ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo at Gergeseo.
Tinupad mo ang iyong pangako sa kanila sapagkat ikaw ay tunay na matapat.

Lucas 6:12-19

Pinili ang Labindalawa(A)

12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. 14 Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, 16 si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.

Nagturo at Nagpagaling si Jesus(B)

17 Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. 18 Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya na nagpapagaling sa lahat.