Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kaliwanagan mula sa Kautusan ni Yahweh
(Nun)
105 Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,
sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
106 Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,
tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.
107 Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,
sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.
108 Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,
yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
109 Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay;
pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.
110 Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,
ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira.
111 Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,
sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
112 Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
Natagpuan ang Aklat ng Kautusan(A)
3 Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, inutusan niya ang kalihim niyang si Safan na anak ni Azalias at apo ni Mesulam na pumunta sa Templo. Ang utos niya, 4 “Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari at alamin mo kung magkano na ang salapi sa kabang-yaman na nalilikom ng mga bantay-pintuan. 5 Pagkatapos, ipabigay mo sa namamahala sa Templo upang ibayad sa 6 mga karpintero, mga manggagawa at mga kantero. Dapat din silang bumili ng kahoy at batong gagamitin sa pagpapaayos ng Templo. 7 Hindi(B) na nila kailangang magbigay ng ulat tungkol sa nagastos sapagkat sila'y taong matatapat.”
8 Pagdating ni Safan sa Templo, sinabi sa kanya ng pinakapunong paring si Hilkias, “Natagpuan ko sa Templo ni Yahweh ang aklat ng Kautusan.” Ibinigay niya ito kay Safan at binasa naman nito. 9 Nang matupad na ang iniutos sa kanya, nagbalik siya sa hari at iniulat na nabilang na ang salapi sa Templo at naibigay na sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. 10 Sinabi pa niya, “Ako'y binigyan ni Hilkias ng isang aklat.” At binasa niya ito sa hari.
11 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit niya ang kanyang kasuotan. 12 Pinulong niya sina Hilkias na pari, si Ahikam na anak ni Safan, si Akbor na anak ni Mikaias, ang kalihim na si Safan, at si Asaias na tauhan ng hari. Sinabi niya, 13 “Sumangguni kayo kay Yahweh alang-alang sa akin at sa buong Juda tungkol sa nilalaman ng aklat na ito. Matindi ang galit ni Yahweh sa atin dahil sa pagsuway ng ating mga ninuno sa mga ipinag-uutos sa aklat na ito.”
14 Ang paring si Hilkias at sina Ahikam, Akbor, Safan at Asaias ay nagpunta nga sa isang babaing propeta na nagngangalang Hulda na asawa ni Sallum, anak ni Tikva na anak ni Harhas, ang tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari. Siya ay sa ikalawang purok ng Jerusalem nakatira. 15 Ang sabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa nagsugo sa inyo rito: 16 ‘Ang lahat ng parusang nabasa ng hari sa aklat na ito ay ibabagsak ko sa bayang ito at sa lahat ng mamamayan. 17 Matindi ang galit ko laban sa bayang ito sapagkat tinalikuran nila ako, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosan. 18 Ito naman ang sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo rito: 19 Narinig ko ang iyong pagtangis nang malaman mo ang sumpa at parusang igagawad ko sa bayang ito. Nakita ko ang pagsisisi mo, ang iyong pagpapakababa sa harapan ko, pati ang pagpunit mo sa iyong kasuotan. 20 Dahil dito, hindi mo mararanasan ang pagpapahirap na gagawin ko sa bayang ito. Mamamatay kang mapayapa sa piling ng iyong mga ninuno.’” Ang lahat ng ito'y sinabi nila sa hari.
2 Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa'y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel. 3 Sinabi(A) niya, “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!” 4 Ngunit(B) ano ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal.” 5 Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob. 6 At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob.
7 Ano ngayon? Hindi nakamtan ng bansang Israel ang kanyang minimithi. Ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito ngunit matigas ang ulo ng iba. 8 Tulad(C) ng nasusulat:
“Binigyan sila ng Diyos ng mapurol na diwa,
mga matang hindi makakita
at mga taingang hindi makarinig,
hanggang sa panahong ito.”
9 At(D) sinabi rin ni David,
“Maging bitag at patibong nawa ang kanilang pagpipista,
isang katitisuran at parusa sa kanila.
10 Lumabo nawa ang kanilang mata nang hindi sila makakita,
at sila'y makuba sa hirap habang buhay.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.