Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 29

Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos

Awit ni David.

29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
    kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
    sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
    ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
    umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
    at punung-puno ng kadakilaan.

Maging mga punong sedar ng Lebanon,
    sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
    parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.

Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
    inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
    at nakakalbo pati ang mga gubat,
    lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”

10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
    nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
    at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.

1 Samuel 3:1-9

Ang Pangitain ni Samuel

Sa pamamahala ni Eli, si Samuel ay patuloy na naglingkod kay Yahweh. Nang panahong iyon, bihira nang magpahayag si Yahweh at bihira na rin ang mga pangitaing galing sa kanya. Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, natutulog siya sa kanyang silid. Si Samuel ay natutulog naman sa santuwaryo, kung saan naroroon din ang Kaban ng Tipan. Bago magmadaling-araw at may sindi pa ang ilawan sa santuwaryo, siya'y tinawag ni Yahweh, “Samuel, Samuel!”

“Narito po ako,” sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Matulog ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.

Subalit tinawag siyang muli ni Yahweh, “Samuel!” Bumangon siya, lumapit muli kay Eli at nagtanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Matulog ka na.” Hindi pa kilala noon ni Samuel si Yahweh sapagkat hindi pa ito nagpahayag sa kanya.

Sa ikatlong pagtawag ni Yahweh, muling lumapit si Samuel kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinawag ninyo ako.”

Sa pagkakataong iyon, naunawaan ni Eli na si Yahweh ang tumatawag sa bata, kaya sinabi niya, “Mahiga kang muli at kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Yahweh. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muli ngang nahiga si Samuel.

Mga Gawa 9:1-9

Ang Pagtawag kay Saulo(A)

Samantala, patuloy ang pagbabanta ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Lumapit siya sa Pinakapunong Pari ng mga Judio at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya at madala sa Jerusalem ang sinumang lalaki o babae na matagpuan niya roong kaanib sa Daan ng Panginoon.[a]

Naglakbay si Saulo papuntang Damasco, at nang siya'y malapit na sa lungsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. Natumba siya sa lupa at narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?”

“Sino kayo, Panginoon?” tanong niya.

“Ako si Jesus, ang iyong inuusig,” tugon ng tinig sa kanya. “Tumayo ka't pumasok sa lungsod, at doo'y sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”

Natigilan at hindi makapagsalita ang mga kasama ni Saulo nang marinig nila ang tinig ngunit wala naman silang makitang nagsasalita. Tumayo si Saulo at pagmulat niya ay hindi siya makakita, kaya't siya'y inakay ng mga kasama niya at dinala sa Damasco. Hindi siya nakakita sa loob ng tatlong araw at hindi rin siya kumain ni uminom.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.