Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
11 Ang mga masama'y nagpapatotoo,
at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako.
12 Sa gawang mabuti, ganti ay masama;
nag-aabang sa akin at nagbabanta.
13 Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko,
nagdaramit-luksa at nag-aayuno;
at nananalangin na yuko ang ulo.
14 Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin;
Lumalakad ako na ang pakiramdam,
wari'y inulila ng ina kong mahal.
15 Nagagalak sila kapag ako'y may dusa;
sa aking paligid nagtatawanan pa.
Binubugbog ako ng di kakilala,
halos walang tigil na pagpaparusa.
16 Natutuwa silang ako'y maghinagpis;
sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.
17 Hanggang kailan pa kaya, O Yahweh, maghihintay ako sa mahal mong tulong?
Iligtas mo ako sa ganid na leon;
sa paglusob nila't mga pagdaluhong.
18 At sa gitna niyong mga kapulungan, ikaw, O Yahweh, pasasalamatan;
pupurihin kita sa harap ng bayan.
19 Huwag(A) mong tutulutang ang mga kaaway,
magtawanan sa aking mga kabiguan;
gayon din ang may poot nang walang dahilan,
magalak sa aking mga kalumbayan.
20 Sila, kung magwika'y totoong mabagsik,
kasinungalingan ang bigkas ng bibig,
at ang ginigipit, taong matahimik.
21 Ang paratang nila na isinisigaw:
“Ang iyong ginawa ay aming namasdan!”
22 Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid,
kaya, Panginoon, huwag kang manahimik;
ako'y huwag mong iiwan sa paghihinagpis!
23 Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol,
iyong ipaglaban ako, Panginoon.
24 O Yahweh, aking Diyos, sadyang matuwid ka, kaya ihayag mong ako'y walang sala;
huwag mong ipahintulot sa mga kaaway, na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan.
25 Huwag mong pabayaang mag-usap-usapan,
at sabihing: “Aba! Gusto nami'y ganyan!”
Huwag mong itutulot na sabihin nilang:
“Siya ay nagapi namin sa labanan!”
26 Silang nagagalak sa paghihirap ko,
lubos mong gapii't bayaang malito;
silang nagpapanggap namang mas mabuti,
hiyain mo sila't siraan ng puri.
27 Ang nangagsasaya, sa aking paglaya
bayaang palaging sumigaw sa tuwa;
“Dakila si Yahweh, tunay na dakila;
sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.”
28 Aking ihahayag ang iyong katuwiran,
sa buong maghapon ay papupurihan!
Ang Pangitain tungkol sa Kaluwalhatian ng Diyos
1 Akong(A) si Ezekiel ay isa sa mga dinalang-bihag sa baybay ng Ilog Kebar. Noong ikalimang araw ng ikaapat na buwan ng ikatatlumpung taon, nabuksan ang langit at isang pangitain mula sa Diyos ang aking nakita. 2 Ikalimang(B) araw noon ng ikaapat na buwan ng ikalimang taon ng pagkatapon kay Haring Jehoiakin. 3 Ako na isang pari at anak ni Buzi ay nasa Babilonia sa baybayin ng Ilog Kebar nang magpahayag sa akin si Yahweh.
4 Nang ako'y tumingala, naramdaman ko ang malakas na hanging nagmumula sa hilaga at nakita ko ang makapal na ulap na naliligid ng liwanag. Tuwing kikidlat, may isang bagay na kumikislap, parang makinang na tanso. 5 Sa(C) sentro ng bagyong ito, may apat na nilalang na buháy na anyong tao. 6 Sila'y may tig-aapat na mukha at pakpak. 7 Tuwid ang kanilang mga binti. Ang mga paa nila'y parang paa ng guya at tila makinang na tanso. 8 Nasa ilalim ng kanilang mga pakpak ang kanilang mga kamay na parang kamay ng tao. 9 Magkakadikit ang kanilang mga pakpak. Hindi na sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila kahit saan. 10 Sa(D) harap, mukha silang tao. Sa kanang tagiliran, mukhang leon. Sa kaliwa naman ay mukha silang toro at mukhang agila sa likuran. 11 Ang tig-dalawa nilang pakpak ay nakabukang pataas at magkaabot ang dulo. Ang tig-dalawa naman ay nakatakip sa kanilang katawan. 12 Hindi na nga sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila sa lahat ng dako. 13 Sa(E) gitna nila ay may naglalagablab na apoy na parang sulo, at nagpapalipat-lipat sa apat na nilalang na buháy. Maningning ang liwanag niyon at pinagmumulan ng kidlat. 14 Ang apat na nilalang ay nagpaparoo't paritong simbilis ng kidlat.
15 Nang(F) tingnan kong muli ang apat na nilalang, may nakita akong tig-isang gulong sa tabi nila. 16 Ang mga ito ay kumikislap na parang topaz. Iisa ang ayos nila at parang ang isa'y nakapaloob sa isa. 17 Ang mga ito'y hindi na kailangang ipihit saanman ito gustong pagulungin pagkat nakaharap kahit saan. 18 Ang(G) bawat gulong ay puno ng mga mata sa palibot. 19 Paglakad ng apat na nilalang, kasunod ang mga gulong. Kapag sila'y tumaas, tumataas din ang mga gulong. 20 Saanman gumawi ang apat na nilalang ay kasunod ang apat na gulong pagkat ang apat na nilalang ang nagpapagalaw sa apat na gulong. 21 Kaya paglakad ng apat na nilalang, lakad din ang mga gulong. Pagtigil naman, tigil din sila. Pagtaas, taas din sila. Anuman ang gawin ng apat na nilalang ay ginagawa ng apat na gulong.
22 Sa(H) ulunan ng apat na nilalang, naroon ang isang bubungang tila kristal. 23 Sa ilalim nito'y magkakaabot na nakabuka ang tigalawang pakpak ng apat na nilalang, at ang tigalawa'y nakatakip sa kanilang katawan. 24 Nang(I) sila'y lumipad, parang lagaslas ng malaking baha ang dinig ko sa pagaspas ng kanilang mga pakpak; parang ugong ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan, parang ragasa ng isang malaking hukbo. Nang sila'y tumigil, ibinabâ nila ang kanilang mga pakpak. 25 At mula sa ibabaw ng bubungan, narinig ang isang malakas na tinig. Nang tumigil nga ng paglipad ang apat na nilalang, binayaan nilang nakalaylay ang kanilang mga pakpak.
26 Sa(J) ibabaw ng bubungan, naroon ang tila tronong yari sa safiro at may nakaupong parang isang tao. 27 Mula(K) sa baywang nito pataas ay may nagniningning na tila makinis na tanso. Sa ibaba naman ay may nakapalibot na apoy na nakakasilaw, 28 na ang kulay ay parang bahaghari.
Ganyan ang katulad ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nang makita ko ito, ako'y nagpatirapa, at may narinig akong tinig.
Ang Pagsusugo kay Ezekiel
2 Sinabi sa akin ng tinig, “Ezekiel, anak ng tao, tumayo ka at may sasabihin ako sa iyo.”
23 Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa. 24 Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo'y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan na kanyang inanyayahan. 25 Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. 26 Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo ka, ako'y tao ring tulad mo.”
27 Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. 28 Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan ang sinuman. 29 Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.”
30 Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin[a] dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan.
31 “Sinabi niya, ‘Cornelio, nakarating sa Diyos ang iyong mga panalangin at nakita niya ang pagtulong mo sa dukha. 32 Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ 33 Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at sa inyong kagandahang-loob ay pumarito kayo. Ngayon ay naririto kaming lahat sa harap ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon.[b]”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.