Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pulong sa Jerusalem
15 May ilang mga kalalakihan ang bumaba mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid. Sinabi nila: Malibang kayo ay patuli ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas.
2 Kaya nga, dahil kina Pablo at Bernabe ay nagkaroon ng mahigpit na kaguluhan at pagtatalo sa kanila. Pinagpasiyahan nilang suguin sina Pablo at Bernabe at ilan pa sa kanila na umahon sa Jerusalem at makipagkita sa mga apostol at sa mga matanda patungkol sa katanungang ito. 3 Sinugo nga sila ng iglesiya. Nang sila ay nagdaan sa Fenecia at Samaria, ibinalita nila ang pagnunumbalik ng mga Gentil. Sila ay nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. 4 Nang sila ay dumating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesiya, ng mga apostol at ng mga matanda. Isinaysay nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.
5 Ngunit tumindig ang ilan sa sekta ng mga mananampalatayang Fariseo. Sinabi nila: Kinakailangang sila ay tuliin at iutos sa kanila na ganapin ang kautusan ni Moises.
Ang Sulat ng Kapulungan sa mga Mananampalatayang Gentil
22 Nang magkagayon, minabuti ng mga apostol at ng mga matanda gayundin ng buong iglesiya na humirang ng mga lalaking mula sa kanila upang suguin sila sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe. Sila ay sina Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas na mga tagapanguna sa mga kapatid.
23 Sumulat sila ng ganito:
Kaming mga apostol, mga matanda at mga kapatid ay bumabati sa inyo na aming mga kapatid na nasa mga Gentil sa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia.
24 Sumulat kami sapagkat nabalitaan namin na ang ilang umalis sa amin ay gumugulo sa inyo sa pamamagitan ng mga salita. Nililigalig nila ang inyong mga kaluluwa na sinasabi: Kinakailangang kayo ay tuliin at ganapin ang kautusan. Hindi kami nag-uutos ng ganito sa kaninuman sa kanila. 25 Kaya minabuti namin ang may pagkakaisang magsugo sa inyo ng mga hinirang na lalaki. Sila ay kasama ng aming mga minamahal na Bernabe at Pablo. 26 Sila ay mga lalaking nagsusuong ng kanilang mga buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo. 27 Kaya nga, sinugo namin sina Judas at Silas. Sila ay magsasaysay rin naman sa inyo ng gayunding mga bagay. 28 Ito ay sapagkat minabuti ng Banal na Espiritu at minabuti rin namin na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan. 29 Lumayo kayo sa mga bagay na inihandog sa mga diyos-diyosan, sa dugo, sa mga binigti at sa kasalanang sekswal. Kung iingatan ninyo anginyong mga sarili mula sa mga bagay na ito ay makakabuti sa inyo. Paalam na sa inyo.
30 Kaya nang sila ay kanilang mapayaon na, lumusong sila sa Antioquia at nang kanilang mapagtipun-tipon ang napakaraming tao, kanilang ibinigay ang sulat. 31 Nang mabasa na nila ito, nagalak sila dahil lumakas ang kanilang kalooban. 32 Si Judas at si Silas, na mga propeta rin naman ay nagpalakas ng kalooban ng mga kapatid sa pamamagitan ng maraming mga salita. Sila ay pinatatag nila. 33 Nang sila ay makagugol na ng ilang panahon doon, sila ay payapang pinabalik sa mga apostol ng mga kapatid. 34 Ngunit minabuti ni Silas na magpaiwan doon. 35 Naiwan din sina Pablo at Bernabe sa Antioquia. Itinuturo nila at ipinangangaral ang salita ng Panginoon na kasama naman ng iba.
Copyright © 1998 by Bibles International