Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Gawa 7:55-60

55 Ngunit si Esteban, na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Kaya't sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan, at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.”

57 Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at nagsigawan. Pagkatapos, sabay-sabay nilang sinugod si Esteban 58 at kinaladkad siya palabas ng lungsod upang batuhin. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga balabal sa paanan ng isang binatang nagngangalang Saulo. 59 At habang binabato nila si Esteban, nanalangin siya ng ganito: “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!”

At pagkasabi nito, siya'y namatay.

Mga Awit 31:1-5

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
    huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
    iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
    matibay na kuta para sa aking kaligtasan.

Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
    ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
    laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
    ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.

Mga Awit 31:15-16

15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
    iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
    sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.

1 Pedro 2:2-10

Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo tungo sa kaligtasan, sapagkat(A) “Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”

Lumapit kayo sa kanya, sa batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sapagkat(B) sinasabi ng kasulatan,

“Tingnan ninyo,
    inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
    hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”

Kaya(C) nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga hindi sumasampalataya, natutupad ang mga ito:

“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong-pundasyon.”

At(D)

“Ito ang batong katitisuran ng mga tao,
    batong ikadadapa nila.”

Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.

Ngunit(E) kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y(F) hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap na kayo ng kanyang habag.

Juan 14:1-14

Si Jesus ang Daan

14 “Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.”

Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?”

Sumagot(A) si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y kilala ninyo,[a] kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.”

Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.”

Sumagot si Jesus, “Kay tagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nananatili sa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12 Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. 13 At anumang hilingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.