Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.[a]
32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;
inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,
ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!
Si Cain at si Abel
4 Sinipingan ni Adan ang kanyang asawa at ito'y nagdalang-tao. Nang isilang ang kanyang panganay na lalaki ay sinabi ni Eva: “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa tulong ni Yahweh.” Kaya Cain[a] ang ipinangalan niya rito. 2 Sinundan si Cain ng isa pang anak na lalaki, at Abel naman ang ipinangalan dito. Naging pastol ito at si Cain naman ay naging magsasaka. 3 Dumating ang panahon na si Cain ay naghandog kay Yahweh ng ani niya sa bukid. 4 Kinuha(A) naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi. Si Yahweh ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog, 5 ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit. 6 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Cain? Bakit ganyan ang mukha mo? 7 Kung mabuti ang ginawa mo, dapat kang magsaya. Kung masama naman, ang kasalana'y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka. Nais nitong pagharian ka. Kaya't kailangang mapaglabanan mo ito.”
8 Isang(B) araw, niyaya ni Cain ang kanyang kapatid, “Abel, pumunta tayo sa bukid.” Sumama naman ito, ngunit pagdating nila sa bukid ay pinatay ni Cain si Abel.
9 Tinanong ni Yahweh si Cain, “Nasaan ang kapatid mong si Abel?”
Sumagot siya, “Hindi ko alam. Bakit, ako ba'y tagapag-alaga ng aking kapatid?”
10 At(C) sinabi ni Yahweh, “Cain, ano itong ginawa mo? Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng katarungan. 11 Sinusumpa kita ngayon, at hindi mo na maaaring bungkalin ang lupa dahil dumanak doon ang dugo ng kapatid mo na iyong pinaslang. 12 Bungkalin mo man ang lupa upang tamnan, hindi ka mag-aani; wala kang matitirhan at magiging lagalag ka sa daigdig.”
13 “Napakabigat namang parusa ito!” sabi ni Cain kay Yahweh. 14 “Ngayong pinapalayas mo ako sa lupaing ito upang malayo sa iyong paningin, at maglagalag sa daigdig, papatayin ako ng sinumang makakakita sa akin.”
15 “Hindi,” sagot ni Yahweh. “Paparusahan ng pitong ibayo ang sinumang papatay sa iyo.” Kaya't nilagyan ni Yahweh ng palatandaan si Cain upang maging babala sa sinuman na ito'y hindi dapat patayin. 16 Iniwan ni Cain si Yahweh at tumira siya sa lupain ng Nod, isang lugar sa silangan ng Eden.
Si Jesus ang Pinakapunong Pari
14 Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. 15 Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.
5 Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. 2 Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. 3 At(A) dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan. 4 Ang(B) karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makuha ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron.
5 Gayundin(C) naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya,
“Ikaw ang aking Anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”
6 Sinabi(D) rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
7 Noong(E) si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. 8 Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutunan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. 9 At nang siya'y maging ganap, siya ang naging sanhi upang magkamit ng walang hanggang kaligtasan ang lahat ng mga masunurin sa kanya. 10 Ginawa siya ng Diyos na Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.