Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin para Parusahan ng Diyos ang Masasama
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam.[a]
58 Tama ba ang hatol ng mga pinuno?
Ang hatol ba ninyo'y pantay at totoo?
2 Hindi! Pagkat ang inyong binabalangkas
pawang karahasa't gawaing di tama.
3 Iyang masasama sa mula't mula pa,
mula sa pagsilang ay sinungaling na.
4 Sila'y makamandag, ahas ang kaparis,
katulad ay kobrang ang tainga ay may takip;
5 itong mga tawak at salamangkero,
di niya dinirinig, hindi pansin ito.
6 Bungiin ang ngipin nila, O Panginoon,
alisin ang pangil niyong mga leon.
7 Itapon mo silang katulad ng tubig,
sa daa'y duruging parang mga yagit.
8 Parang mga susô, sa dumi magwakas,
batang di nabuhay sa sangmaliwanag.
9 Puputulin silang hindi nila batid,
itatapon ng Diyos sa tindi ng galit;
bagaman buháy pa'y iyon na ang sinapit.
10 Ang mga matuwid nama'y magagalak kung ang masasama'y parusahang ganap;
pagkakita nila sa dugong dumanak, hindi mangingiming doon na tumahak.
11 Saka sasabihin ng mga nilalang, “Ang mga matuwid ay gantimpalaan;
tunay ngang may Diyos, na hukom ng lahat!”
23 Masasabi mo bang hindi nadumihan ang iyong sarili,
at hindi ka sumamba sa diyus-diyosang si Baal?
Napakalaki ng kasalanang nagawa mo doon sa libis.
Para kang batang kamelyo na hindi mapigilan,
takbo nang takbo at nagwawala.
24 Tulad mo'y babaing asno na masidhi ang pagnanasa;
walang makapigil kapag ito'y nag-iinit.
Hindi na dapat mag-alala ang lalaking asno;
ika'y nakahanda sa lahat ng oras.
25 Israel, huwag mong bayaan na ika'y magyapak
o matuyo ang lalamunan at mamalat.
Ngunit ang tugon mo, ‘Ano pa ang kabuluhan?
Mahal ko ang ibang mga diyos,
at sila ang aking sasambahin at paglilingkuran.’
Nararapat Parusahan ang Israel
26 “Tulad ng magnanakaw na napapahiya kapag nahuli, kayong lahat na sambahayan ni Israel ay mapapahiyang gaya niya; ang inyong mga hari at mga pinuno, mga pari at mga propeta. 27 Mapapahiya kayong lahat na nagsasabi sa punongkahoy, ‘Ikaw ang aking ama,’ at sa bato, ‘Ikaw ang aking ina.’ Mangyayari ito sapagkat itinakwil ninyo ako, sa halip na kayo'y maglingkod sa akin. Ngunit kung kayo naman ay naghihirap, hinihiling ninyong iligtas ko kayo.
28 “Nasaan ang mga diyus-diyosang inyong ginawa? Tingnan natin kung kayo'y maililigtas nila sa oras ng inyong pangangailangan. Juda, sindami ng iyong lunsod ang iyong mga diyos. 29 Akong si Yahweh ay nagtatanong, ano ang isusumbat ninyo sa akin? Lahat kayo'y mga suwail. Wala na kayong ginawa kundi kalabanin ako! 30 Pinarusahan ko kayo, ngunit di rin kayo nagbago. Para kayong mababangis na leon, pinagpapatay ninyo ang inyong mga propeta. 31 Pakinggan ninyong mabuti ang sinasabi ko. Wala ba kayong napakinabangan sa akin? Ako ba'y naging parang tigang na lupa sa inyo? Bakit sinasabi ninyong malaya na kayong gawin ang inyong maibigan, at hindi na kayo babalik sa akin? 32 Malilimutan ba ng dalaga ang kanyang mga alahas, o ng babaing ikakasal ang kanyang damit pangkasal? Subalit ako'y kinalimutan ng sarili kong bayan nang napakahabang panahon. 33 Alam mo kung paano aakitin ang mga lalaki. Talo mo pa ang masasamang babae sa iyong paraan. 34 Ang kasuotan mo'y tigmak sa dugo ng dukha at walang malay, sa dugo ng mga taong kailanman ay hindi pumasok sa iyong tahanan.
“Subalit sa kabila ng lahat ng ito'y sinasabi mo, 35 ‘Wala akong kasalanan; hindi na galit sa akin si Yahweh.’ Ngunit akong si Yahweh ang magpaparusa sa iyo sapagkat sinasabi mong hindi ka nagkasala. 36 Bakit kay dali mong magpalit ng kaibigan? Bibiguin ka ng Egipto, tulad ng ginawa sa iyo ng Asiria. 37 Mabibigo ka rin sa Egipto, iiwan mo siyang taglay ang kahihiyan. Sapagkat itinakwil ni Yahweh ang iyong pinagkatiwalaan, at hindi ka nila mabibigyan ng tagumpay.”
7 Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. 8 Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman. 9 Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa pagkain.
10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. 11 Ang(A) dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. 15 [Kaya't][a] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.
17 Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y nangangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.
18 Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon. 19 Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyo na ako'y makabalik agad sa inyo.
Panalangin
20 Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus, na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. 21 Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.