Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtatapat ng Taong Nahihirapan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.
39 Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat,
at hindi ko hahayaang ang dila ko ay madulas;
upang hindi magkasala, ako'y di magsasalita
habang nakapalibot, silang mga masasama.
2 Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi,
hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti;
ngunit lalo pang lumubha paghihirap ng sarili.
3 Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko,
habang aking iniisip, lalo akong nalilito;
nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito:
4 “Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,
kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay.”
5 Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay,
sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan;
ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan. (Selah)[a]
6 Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang,
at maging ang gawa niya ay wala ring kasaysayan;
hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!
7 Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa?
Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
8 Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking kasalanan;
ang hangal ay huwag bayaan na ako'y pagtawanan.
9 Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,
pagkat lahat ng dinanas, pawang dulot mo sa akin.
10 Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil;
sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.
11 Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit;
parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig;
tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis! (Selah)[b]
12 Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik;
sa daing ko't panalangin, huwag ka sanang manahimik.
Sa iyong piling ay dayuhan, ako'y hindi magtatagal,
at tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan.
13 Sa ganitong kalagayan, huwag na akong kagalitan, upang muling makalasap kahit konting kasiyahan,
bago man lang mamayapa't makalimutan ng lahat.
17 Bago lumakad ang mga espiya, sila'y pinagbilinan ni Moises, “Sa Negeb kayo dumaan saka magtuloy sa kaburulan. 18 Pag-aralan ninyong mabuti ang lupain. Tingnan ninyo kung malalakas o mahihina ang mga tao roon, kung marami o kakaunti. 19 Tingnan ninyo kung mainam o hindi ang lupa, at kung may matitibay na muog o wala ang mga bayang tinitirhan ng mga tao roon. 20 Tingnan din ninyo kung mataba ang mga bukirin doon o hindi, at kung maraming punongkahoy o wala. Lakasan ninyo ang inyong loob. At pagbalik ninyo, magdala kayo ng ilang bungangkahoy mula roon.” Noon ay panahon ng pagkahinog ng ubas.
21 Pagdating sa Canaan, tiningnan ng mga espiya ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa malapit sa Pasong Hamat. 22 Umahon sila ng Negeb at nakarating ng Hebron at doo'y natagpuan nila ang mga angkan nina Ahiman, Sesai at Talmai. Ang mga ito'y mula sa lahi ni Anac. (Ang Hebron ay pitong taon nang lunsod bago ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa kapatagan ng Escol, kumuha sila ng isang buwig ng ubas na pinasan ng dalawang tao. Nanguha rin sila ng bunga ng punong granada at igos. 24 Ang lugar na iyon ay tinawag nilang Escol[a] dahil sa malaking buwig ng ubas na nakuha nila roon.
25 Pagkaraan ng apatnapung araw, umuwi na ang mga espiya 26 at humarap kina Moises, Aaron at sa buong bayang Israel na natitipon noon sa Paran, sakop ng Kades. Iniulat nila ang kanilang nakita at ipinakita ang mga uwi nilang bungangkahoy. 27 Ang sabi nila, “Pinag-aralan namin ang lupain at natuklasan naming ito'y mayaman at masagana sa lahat ng bagay. Katunayan ang bungangkahoy na kinuha namin doon.
Ang Talinghaga ng Buto ng Mustasa(A)
18 Sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? 19 Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpugad sa mga sanga nito.”
Ang Talinghaga ng Pampaalsa(B)
20 Sinabi pa ni Jesus, “Saan ko ihahambing ang kaharian ng Diyos? 21 Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina,[a] kaya't umalsa ang buong masa.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.