Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 113

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

113 Purihin si Yahweh!

Dapat na magpuri ang mga alipin,
    ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
    magmula ngayo't magpakailanman,
buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
    ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
    lampas pa sa langit ang pagkadakila.

Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
    na sa kalangitan doon nakaluklok?
Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
    ang lupa at langit kanyang minamasdan.
Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
    kanyang itinataas, kanyang nililingap.
Sa mga prinsipe ay isinasama,
    sa mga prinsipe nitong bayan niya.
Ang babaing baog pinagpapala niya,
    binibigyang anak para lumigaya.

Purihin si Yahweh!

Genesis 25:19-28

Ipinanganak sina Esau at Jacob

19 Ito naman ang kasaysayan ni Isaac na anak ni Abraham. 20 Apatnapung taon na si Isaac nang mapangasawa niya si Rebeca, anak na dalaga ni Bethuel, isang Arameong taga-Mesopotamia. Si Rebeca'y kapatid ni Laban, isa ring Arameo. 21 Hindi magkaanak si Rebeca, kaya't nanalangin kay Yahweh si Isaac. Dininig naman siya at si Rebeca'y naglihi. 22 Kambal ang kanyang dinadala at nasa tiyan pa'y nagtutulakan na ang dalawa. Kaya't nasabi ng ina, “Kung ngayon pa'y ganito na ang nangyayari sa akin, bakit pa ako mabubuhay?” Kaya't siya'y nagtanong kay Yahweh. 23 Ganito(A) naman ang sagot ni Yahweh:

“Dalawang sanggol ang dala mo sa loob ng iyong tiyan,
    larawan ng dalawang bansa na magiging magkalaban;
magiging higit na malakas ang mas bata kaysa sa nauna,
    kaya maglilingkod ang mas matanda sa bata niyang kapatid.”

24 Dumating ang panahon at nanganak nga siya ng kambal. 25 Mamula-mula ang kutis at mabalahibo ang katawan ng panganay, kaya't Esau[a] ang ipinangalan dito. 26 Nang lumabas ang pangalawa, nakahawak ito sa sakong ng kanyang kakambal, kaya Jacob[b] naman ang itinawag sa kanya. Animnapung taon si Isaac noon.

Ipinagbili ni Esau ang Kanyang Karapatan

27 Lumaki ang mga bata. Naging mahusay na mangangaso si Esau at sa kaparangan na halos tumitira. Si Jacob naman ay tahimik at lagi sa bahay. 28 Higit ang pagtingin ni Isaac kay Esau, palibhasa'y kinawiwilihan niyang kainin ang mga nahuhuli nito sa pangangaso, samantalang si Jacob naman ang mas mahal ni Rebeca.

Colosas 1:15-20

Ang Likas at Gawain ni Cristo

15 Si(A) Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. 18 Siya(B) ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. 19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at(C) sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya. Nakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak na inialay sa krus.[a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.