Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 5:1-14

Pinagaling ang Ketong ni Naaman

Sa(A) Siria ay may isang pinuno ng hukbo na nagngangalang Naaman. Mataas ang pagtingin sa kanya ng hari sapagkat sa pamamagitan niya'y pinapagtatagumpay ni Yahweh ang Siria sa mga labanan. Si Naaman ay isang magiting na mandirigma ngunit siya'y may sakit na ketong. Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang dalagitang Israelita. Naging katulong ang dalagitang ito ng asawa ni Naaman. Sinabi nito sa kanyang panginoon, “Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta na nasa Samaria, tiyak na pagagalingin siya niyon.” Nang marinig ito ni Naaman, pumunta siya sa hari at ibinalita ang sinabi ng dalagitang Israelita.

Sinabi naman ng hari, “Sige, pumunta ka at magpapadala ako sa iyo ng sulat para sa hari ng Israel.”

Pumunta nga si Naaman na may dalang 350 kilong pilak, anim na libong pirasong ginto at sampung magagarang kasuotan. Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Ganito ang sabi sa sulat: “Mahal na hari, ang may dala nito'y si Naaman na aking lingkod. Nais ko sanang pagalingin mo siya sa kanyang ketong.”

Nang mabasa ito ng hari ng Israel, pinunit niya ang kanyang damit at sinabi, “Ako ba'y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?”

Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit kayo nababahala? Papuntahin ninyo siya sa akin upang malaman nilang may propeta rito sa Israel.”

Nalaman ito ni Naaman kaya sumakay siya sa kanyang karwahe, at pumunta sa bahay ni Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na nakasakay sa kabayo at mga karwahe. 10 Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at magbabalik sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.”

11 Nang marinig ito, galit na umalis si Naaman. Sinabi niya, “Akala ko pa nama'y sasalubungin niya ako, tatayo sa harap ko, tatawagan ang Diyos niyang si Yahweh, at ikukumpas ang kanyang mga kamay sa tapat ng aking ketong at ako'y pagagalingin. 12 At bakit hindi na lang sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar na mas malinis kaysa alinmang ilog sa Israel? Hindi ba puwedeng doon na lang ako maligo para gumaling?”

13 Ngunit lumapit sa kanya ang kanyang mga lingkod at sinabi, “Ginoo, kung mas mahirap pa riyan ang ipinagagawa sa inyo ng propeta, di ba't gagawin ninyo iyon? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?” 14 Kaya, pumunta rin si Naaman sa Ilog Jordan, at naglublob ng pitong beses gaya ng ipinagbibilin ng propetang si Eliseo. Nagbalik nga sa dati ang kanyang laman at kuminis ang kanyang balat, tulad ng kutis ng bata.

Mga Awit 30

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.

30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
    mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
    at ako nama'y iyong pinagaling.
Hinango mo ako mula sa libingan,
    at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.

Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
    ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
    ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
    pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.

Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
    “Kailanma'y hindi ako matitinag.”
Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
    tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.

Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
    nagsumamo na ako ay tulungan:
“Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
    Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
    Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
    O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”

11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
    Pagluluksa ko ay iyong inalis,
    kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
    O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.

1 Corinto 9:24-27

24 Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. 25 Lahat(A) ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. 26 Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Subalit pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ito, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.

Marcos 1:40-45

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(A)

40 Isang taong may ketong[a] ang lumapit kay Jesus. [Lumuhod ito][b] at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”

41 Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Oo, nais ko! Gumaling ka!” 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. 43 Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus 44 at(B) pinagsabihan ng ganito: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na.”

45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa mga hindi mataong lugar, subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.