Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
46 (A)Muli siyang nagpunta sa Cana ng Galilea. (Doon niya ginawang alak ang tubig.) Sa Capernaum, may isang mayamang pinunong may anak na lalaki na nagkasakit. 47 Nang mabalitaan nito na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, nagpunta ito sa kanya. Hiniling ng pinuno kay Jesus na puntahan ang kanyang anak na lalaki upang pagalingin, sapagkat malapit na iyong mamatay. 48 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung hindi pa kayo makakita ng mga himala at mga kababalaghan, hinding-hindi kayo maniniwala.” 49 Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta na po kayo bago mamatay ang anak ko.” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka na, mabubuhay ang anak mo.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus at siya'y umalis na. 51 Habang siya'y naglalakad, sinalubong siya ng kanyang mga lingkod at ibinalita sa kanya na magaling na ang anak niya. 52 Tinanong niya sila kung anong oras ito gumaling, at ang sabi nila, “Ala-una[a] po kahapon nang mawalan siya ng lagnat.” 53 Naalala ng ama na iyon ang oras nang sabihin sa kanya ni Jesus na mabubuhay ang kanyang anak. At siya'y sumampalataya, pati na rin ang buo niyang sambahayan. 54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus. Nangyari ito nang siya'y dumating sa Galilea mula sa Judea.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.