Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
7 Magtiis kayo alang-alang sa pagtutuwid. Mga anak ang turing sa inyo ng Diyos; mayroon bang anak na hindi dinidisiplina ng kanyang ama? 8 Kung hindi kayo dinidisiplina, at lahat naman ay dinidisiplina, kayo'y mga anak sa labas, at hindi tunay na mga anak. 9 Bukod dito, tayo bilang tao ay mayroong mga magulang na dumidisiplina sa atin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay? 10 Dinidisiplina tayo ng ating mga magulang sa maikling panahon ayon sa kung ano ang sa tingin nila ay mabuti sa atin. Gayundin naman, dinidisiplina tayo ng Diyos para sa ikabubuti natin, upang tayo'y maging banal ding katulad niya. 11 Lahat ng disiplina habang dinaranas ay tila hindi kanais-nais kundi masakit; subalit pagkatapos, ito ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga sinanay dito.
12 Kaya't (A) itaas ninyo ang mga kamay ninyong nanghihina at patataging muli ang mga tuhod ninyong nanlulupaypay. 13 Tuwirin (B) ninyo ang landas na inyong lalakaran, upang huwag malinsad ang pilay, sa halip ay gumaling.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.