Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 33:1-12

Awit ng Papuri.

33 Magalak kayo sa Panginoon, O kayong matutuwid.
    Ang pagpupuri ay nababagay sa matuwid.
Purihin ninyo ang Panginoon sa pamamagitan ng lira,
    gumawa kayo ng himig sa kanya sa may sampung kuwerdas na alpa!
Awitan ninyo siya ng bagong awit;
    tumugtog na may kahusayan sa mga kuwerdas, na may sigaw na malalakas.

Sapagkat ang salita ng Panginoon ay makatuwiran,
    at lahat niyang mga gawa ay ginawa sa katapatan.
Ang katuwiran at katarungan ay kanyang iniibig,
    punô ng tapat na pag-ibig ng Panginoon ang daigdig.

Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay ginawa ang mga langit;
    at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig.
Kanyang tinipon ang mga tubig ng dagat na gaya sa isang bunton;
    inilagay niya ang mga kalaliman sa mga imbakan.

Matakot nawa sa Panginoon ang sandaigdigan,
    magsitayo nawang may paggalang sa kanya ang lahat ng naninirahan sa sanlibutan!
Sapagkat siya'y nagsalita at iyon ay naganap,
    siya'y nag-utos, at iyon ay tumayong matatag.

10 Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa;
    kanyang binibigo ang mga panukala ng mga bayan.
11 Ang payo ng Panginoon kailanman ay nananatili,
    ang mga iniisip ng kanyang puso sa lahat ng salinlahi.
12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
    ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!

Genesis 13

Naghiwalay sina Abram at Lot

13 Umahon sa Negeb mula sa Ehipto si Abram, ang kanyang asawa, dala ang lahat ng kanyang pag-aari, at si Lot.

At si Abram ay napakayaman sa hayop, pilak, at ginto.

Nagpatuloy si Abram ng kanyang paglalakbay mula sa Negeb hanggang sa Bethel, hanggang sa dakong kinaroroonan ng kanyang tolda sa pagitan ng Bethel at ng Ai;

sa lugar ng dambana na kanyang ginawa roon nang una; at doon ay tinawag ni Abram ang pangalan ng Panginoon.

Si Lot na sumama kay Abram ay mayroon ding mga tupa, baka, at mga tolda.

Hindi makayanan ng lupain na sila'y manirahang magkasama sapagkat napakarami ng kanilang pag-aari.

Paghiwalay kay Lot

At nagkaroon ng pagtatalo ang mga pastol ng hayop ni Abram at ang mga pastol ng hayop ni Lot. Ang Cananeo at ang Perezeo ay naninirahan noon sa lupain.

Sinabi ni Abram kay Lot, “Huwag na tayong magkaroon ng pagtatalo, maging ang ating mga pastol, sapagkat tayo'y magkapatid.

Di ba nasa harapan mo ang buong lupain? Humiwalay ka sa akin. Kapag kinuha mo ang nasa kaliwa, ako ay pupunta sa kanan; o kapag kinuha mo ang nasa kanan, ako ay pupunta sa kaliwa.”

10 Inilibot(A) ni Lot ang kanyang paningin, at natanaw niya ang buong libis ng Jordan na pawang natutubigang mabuti gaya ng halamanan ng Panginoon, gaya ng lupain ng Ehipto, sa gawi ng Zoar; ito ay bago winasak ng Panginoon ang Sodoma at Gomorra.

11 Kaya't pinili ni Lot para sa kanya ang buong libis ng Jordan; at si Lot ay naglakbay sa silangan at sila'y kapwa naghiwalay.

12 Nanirahan si Abram sa lupain ng Canaan, at si Lot ay nanirahan sa mga bayan ng libis, at inilipat ang kanyang tolda hanggang sa Sodoma.

13 Ang mga tao nga sa Sodoma ay napakasama at makasalanan sa harap ng Panginoon.

Nagtungo si Abram sa Hebron

14 Sinabi ng Panginoon kay Abram pagkatapos na humiwalay si Lot sa kanya, “Itaas mo ngayon ang iyong paningin, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilaga, timog, silangan, at sa kanluran;

15 sapagkat(B) ang buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman.

16 Gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi, at kung mabibilang ng sinuman ang alabok ng lupa, ang iyong binhi ay mabibilang din.

17 Tumindig ka! Lakarin mo ang lupain, ang kanyang haba at luwang sapagkat ibibigay ko ito sa iyo.”

18 At inilipat ni Abram ang kanyang tolda, at humayo at nanirahan sa gitna ng mga punong ensina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon.

2 Pedro 2:17-22

17 Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos. Sa kanila'y inilaan ang pusikit na kadiliman.

18 Sapagkat sila'y nagsasalita ng mga kayabangang walang kabuluhan, at nang-aakit sila sa pagnanasa ng laman sa pamamagitan ng kahalayan sa mga nakatakas mula sa mga namumuhay sa kamalian.

19 Sila'y pinapangakuan nila ng kalayaan, gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan; sapagkat sinuman ay inaalipin ng anumang lumupig sa kanila.

20 Sapagkat kung pagkatapos na sila'y makatakas sa mga karumihan ng sanlibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, ay muli silang napasabit sa mga ito at nadaig, ang huling kalagayan nila ay mas masama kaysa nang una.

21 Sapagkat mas mabuti pa sa kanila ang hindi nakaalam ng daan ng katuwiran, kaysa, pagkatapos na malaman ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.

22 Nangyari(A) sa kanila ang ayon sa tunay na kawikaan, “Nagbabalik muli ang aso sa kanyang sariling suka,” at, “Ang babaing baboy na nahugasan na, sa paglulublob sa putik.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001