Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo
16 Hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; (A) sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego. 17 Sapagkat (B) sa ebanghelyo ipinapahayag ang katuwiran ng Diyos, kung paano maging matuwid sa kanyang harapan. At ito, buhat sa simula hanggang sa wakas, ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Gaya ng nasusulat, “Sa pamamagitan ng pananampalataya, mabubuhay ang matuwid.[a]
22 Ang (A) pagiging matuwid mula sa Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Ito ay para sa lahat ng mga sumasampalataya yamang sa lahat ay walang pagkakaiba. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Subalit dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, sila ngayon ay itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pagpapalaya na ginawa ni Cristo Jesus. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog na makapapayapa sa kanyang galit dahil sa kasalanan ng sanlibutan, upang sa pamamagitan ng pananampalataya sa bisa ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sasampalataya sa kanya. Ginawa niya ito upang ipakita ang kanyang katarungan. Dahil sa kanyang banal na pagtitiis, pinalampas niya ang mga kasalanang ginawa noon ng tao. 26 Ginawa niya ito upang patunayan sa kasalukuyang panahon ang kanyang katarungan, na siya'y matuwid at siya ang nagtuturing na matuwid sa may pananampalataya kay Jesus.[a]
27 May lugar ba ngayon ang pagmamalaki? Wala! Sa anong batayan? Sa pagsunod ba sa Kautusan? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya. 28 Sapagkat pinanghahawakan natin na ang tao ay itinuturing na matuwid dahil sa pananampalataya at walang kinalaman dito ang mga gawang batay sa Kautusan.
29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat (A) iisa lamang ang Diyos. Siya ang magtuturing na matuwid sa mga tuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ituturing din niya na matuwid ang mga hindi tuli sa pamamagitan din ng pananampalataya. 31 Kung gayon, pinawawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalataya? Huwag nawang mangyari! Sa halip ay itinataguyod pa nga namin ang Kautusan.
Hindi Ko Kayo Nakilala Kailanman(A)
21 “Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang nagsasagawa ng kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba't sa iyong pangalan ay nagpahayag kami ng propesiya, nakapagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan din ay gumawa kami ng maraming himala?’ 23 At sasabihin ko naman sa kanila, ‘Kailanma'y hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!’
Ang Matalino at ang Hangal na Nagtayo ng Bahay(B)
24 “Kaya't ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at isinasagawa ang mga ito ay maitutulad ng isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. 25 Bumuhos ang ulan at bumaha. Lumakas ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. 26 At ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito, ngunit hindi isinasagawa ang mga ito ay maitutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan at bumaha. Lumakas ang hangin at hinampas ang bahay na iyon. Nagiba nga ang bahay na iyon at nagkawasak-wasak.” 28 Pagkatapos ni Jesus sa pagsasalita ng mga ito, namangha ang napakaraming tao sa kanyang pagtuturo, 29 sapagkat siya'y nagturo sa kanila nang tulad sa isang may kapangyarihan at hindi katulad ng kanilang mga guro ng Kautusan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.