Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 104

104 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko. Oh Panginoon kong Dios ikaw ay totoong dakila; ikaw ay nabibihisan ng karangalan at kamahalan.

Na siyang nagbabalot sa iyo ng liwanag na parang bihisan; na siyang naguunat ng mga langit na parang tabing:

Na siyang naglalagay ng mga tahilan ng kaniyang mga silid sa tubig; na siyang gumagawa sa mga alapaap na kaniyang karro; na siyang lumalakad sa mga pakpak ng hangin:

Na siyang gumagawa sa mga hangin na mga sugo niya; ang kaniyang mga tagapangasiwa ay alab ng apoy:

Na siyang naglagay ng mga patibayan ng lupa, upang huwag makilos magpakailan man,

Iyong tinakpan ng kalaliman na tila isang bihisan; ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.

Sa iyong pagsaway sila'y nagsitakas; sa hugong ng iyong kulog ay nagmadaling nagsialis sila;

Sila'y nagsiahon sa mga bundok, sila'y nagsilusong sa mga libis, sa dako mong itinatag ukol sa kanila.

Ikaw ay naglagay ng hangganan upang sila'y huwag makaraan; upang sila'y huwag magsibalik na tumakip sa lupa.

10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis; nagsisiagos sa gitna ng mga bundok:

11 Sila'y nagpapainom sa bawa't hayop sa parang; nangagpapatid-uhaw ang mga mailap na asno.

12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid, sila'y nagsisiawit sa mga sanga.

13 Kaniyang dinidilig ang mga bundok mula sa kaniyang mga silid: ang lupa'y busog sa bunga ng iyong mga gawa.

14 Kaniyang pinatutubo ang damo para sa mga hayop, at ang gugulayin sa paglilingkod sa tao: upang siya'y maglabas ng pagkain sa lupa:

15 At ng alak na nagpapasaya sa puso ng tao, at ng langis upang pasilangin ang kaniyang mukha, at ng tinapay na nagpapalakas ng puso ng tao.

16 Ang mga punong kahoy ng Panginoon ay busog; ang mga sedro sa Libano, na kaniyang itinanim;

17 Na pinamumugaran ng mga ibon: tungkol sa tagak, ang mga puno ng abeto ay kaniyang bahay.

18 Ang mga mataas na bundok ay para sa mga mailap na kambing; ang mga malalaking bato ay kanlungan ng mga coneho.

19 Kaniyang itinakda ang buwan sa mga panahon: nalalaman ng araw ang kaniyang paglubog.

20 Iyong ginagawa ang kadiliman at nagiging gabi; na iginagalaw ng lahat na hayop sa gubat.

21 Umuungal ang mga batang leon sa pagsunod sa mahuhuli nila, at hinahanap sa Dios ang kanilang pagkain.

22 Ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis, at nangahihiga sa kanilang mga yungib.

23 Lumalabas ang tao sa kaniyang gawain, at sa kaniyang gawa hanggang sa kinahapunan.

24 Oh Panginoon, pagka sarisari ng iyong mga gawa! sa karunungan ay ginawa mo silang lahat: ang lupa ay puno ng iyong kayamanan.

25 Nandoon ang dagat, na malaki at maluwang, na ginagalawan ng di mabilang na mga bagay, ng mga munti at ng mga malaking hayop din naman.

26 Doo'y nagsisiyaon ang mga sasakyan: nandoon ang buwaya na iyong nilikha upang maglibang doon.

27 Lahat ng ito ay nangaghihintay sa iyo, upang iyong mabigyan sila ng kanilang pagkain sa ukol na kapanahunan.

28 Ang iyong ibinibigay sa kanila ay pinipisan nila; iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y nangabubusog ng kabutihan.

29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangababagabag; iyong inaalis ang kanilang hininga, sila'y nangamamatay, at nagsisibalik sa kanilang pagkaalabok.

30 Iyong sinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nangalalalang; at iyong binabago ang balat ng lupa.

31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailan man; magalak nawa ang Panginoon sa kaniyang mga gawa:

32 Na siyang tumitingin sa lupa at nayayanig: kaniyang hinihipo ang mga bundok at nagsisiusok.

33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay: ako'y aawit ng pagpuri sa aking Dios, samantalang mayroon akong kabuhayan.

34 Matamisin nawa niya ang aking pagbubulay: ako'y magagalak sa Panginoon.

35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa, at mawala nawa ang masama. Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko. Purihin ninyo ang Panginoon.

Isaias 66:7-13

Bago siya nagdamdam, siya'y nanganak; bago dumating ang kaniyang paghihirap, siya'y nanganak ng isang lalake.

Sinong nakarinig ng ganyang bagay? sinong nakakita ng ganyang mga bagay? ipanganganak baga ang lupain sa isang araw? ilalabas bagang paminsan ang isang bansa? sapagka't pagdaramdam ng Sion, ay nanganak ng kaniyang mga anak.

Dadalhin ko baga sa kapanganakan, at hindi ko ilalabas? sabi ng Panginoon; magsasara baga ako ng bahay bata, akong nagpapanganak? sabi ng iyong Dios.

10 Kayo'y mangagalak na kasama ng Jerusalem, at mangatuwa dahil sa kaniya, kayong lahat na nagsisiibig sa kaniya: kayo'y mangagalak ng kagalakan na kasama niya, kayong lahat na nagsisitangis dahil sa kaniya:

11 Upang kayo'y makasuso at mabusog sa pamamagitan ng mga suso ng kaniyang mga kaaliwan; upang kayo'y makagatas, at malugod sa kasaganaan ng kaniyang kaluwalhatian.

12 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y maggagawad ng kapayapaan sa kaniya na parang isang ilog, at ang kaluwalhatian ng mga bansa ay parang malaking baha, at inyong sususuhin yaon; kayo'y kikilikin, at lilibangin sa mga tuhod.

13 Kung paanong ang sinoma'y inaaliw ng ina gayon ko aaliwin kayo; at kayo'y mangaaliw sa Jerusalem.

Lucas 12:22-31

22 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano ang inyong kakanin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin.

23 Sapagka't ang buhay ay higit kay sa pagkain, at ang katawan kay sa damit.

24 Wariin ninyo ang mga uwak, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas man; na walang bangan ni kamalig man; at sila'y pinakakain ng Dios: gaano ang kahigtan ng kahalagahan ninyo kay sa mga ibon!

25 At sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?

26 Kung hindi nga ninyo magawa kahit ang lalong maliit, bakit nangababalisa kayo tungkol sa mga ibang bagay?

27 Wariin ninyo ang mga lirio, kung paano silang nagsisilaki: hindi nangagpapagal, o nangagsusulid man; gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Kahit si Salomon man, sa buong kaluwalhatian niya, ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.

28 Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasan ay iginagatong sa kalan; gaano pa kaya kayo na di niya pararamtan, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?

29 At huwag ninyong pagsikapan kung ano ang inyong kakanin, at kung ano ang inyong iinumin, o huwag man kayo'y mapagalinlangang pagiisip.

30 Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga bansa sa sanglibutan: datapuwa't talastas ng inyong Ama na inyong kinakailangan ang mga bagay na ito.

31 Gayon ma'y hanapin ninyo ang kaniyang kaharian, at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain