Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
18 Dahil tapat ang Diyos, ang aming salita sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.” 19 Sapagkat (A) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral sa inyo sa pamamagitan ko at nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ang “Oo” ay “Oo.” 20 Sapagkat gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, lahat ng mga ito kay Cristo ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay nasasabi namin ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 At ang nagpapatatag sa amin at sa inyo kay Cristo ay ang Diyos. Hinirang niya kami, 22 tinatakan at ibinigay ang Espiritu sa aming mga puso bilang katibayan.
Ang Pagpapagaling sa Paralitiko(A)
2 Nang magbalik si Jesus sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balitang siya'y nasa kanilang bahay. 2 Nagtipon doon ang maraming tao, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. Ipinangangaral niya sa kanila ang salita. 3 Dumating ang apat na lalaking may buhat na lalaking paralitiko. 4 Dahil sa dami ng tao ay hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus, kaya't binakbak nila ang bubungan sa tapat niya. Pagkatapos nito'y ibinaba nila ang paralitikong nakaratay sa higaan. 5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.” 6 Ang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon ay nag-iisip ng ganito: 7 “Bakit ganyan ang salita ng taong iyan? Kalapastanganan iyan! Hindi ba't Diyos lamang ang makapagpapatawad ng kasalanan?” 8 Kaagad nabatid ni Jesus sa kanyang kalooban ang tanong sa kanilang pag-iisip, kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’ 10 Ngunit upang malaman ninyo na dito sa lupa ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa paralitiko, 11 “Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 12 Bumangon nga ang lalaki, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Dahil dito'y namangha ang lahat at niluwalhati ang Diyos. Sinabi nila, “Wala pa kaming nakitang tulad nito!”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.