Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
10 Nalulugod ako sa Panginoon kong Dios, dahil para niya akong binihisan ng kaligtasan at tagumpay. Para akong lalaking ikakasal na may suot na katulad ng magandang damit ng pari, o babae sa kasal na may mga alahas. 11 Sapagkat kung papaanong tiyak na sa lupa tumutubo ang mga binhi, ang tagumpay at katuwiran naman ay tiyak na manggagaling sa Panginoong Dios, at pupurihin siya ng mga bansa.
62 Dahil sa mahal ko ang Jerusalem, hindi ako tatahimik hanggaʼt hindi dumarating ang kanyang tagumpay at katuwiran na parang nagbubukang-liwayway; at hanggang sa mapasakanya ang kanyang kaligtasan na parang nagniningas na sulo. 2 O Jerusalem, makikita ng mga bansa at ng kanilang mga hari ang iyong tagumpay, katuwiran, at ang iyong kapangyarihan. Bibigyan ka ng Panginoon ng bagong pangalan. 3 Ikaw ay magiging parang koronang maganda sa kamay ng Panginoon na iyong Dios.
Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
3 Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
4 Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
5 Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
6 Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.
7 Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
8 mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
9 mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.
Purihin ang Panginoon!
4 Ngunit nang dumating na ang takdang panahon, isinugo ng Dios ang kanyang Anak sa mundo. Ipinanganak siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan 5 para palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa ganoon ay maging anak tayo ng Dios. 6 At dahil mga anak na tayo ngayon ng Dios, isinugo ng Dios ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating puso, kaya makakatawag na tayo sa kanya ng “Ama.” 7 Ngayon, hindi na tayo mga alipin kundi mga anak. At kung mga anak tayo ng Dios, tagapagmana rin tayo ng mga pangako niya.
Inihandog si Jesus sa Templo
22 Dumating ang araw na maghahandog sina Jose at Maria sa templo ng Jerusalem ayon sa Kautusan ni Moises patungkol sa mga babaeng nanganak upang maituring silang malinis. Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog sa Panginoon.”[a] 24 At upang maituring na malinis si Maria, naghandog sila ayon sa sinasabi ng Kautusan ng Panginoon: “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”[b]
25 May isang tao roon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Matuwid siya, may takot sa Dios, at sumasakanya ang Banal na Espiritu. Naghihintay siya sa pagdating ng haring magliligtas sa Israel. 26 Ipinahayag sa kanya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay hanggaʼt hindi niya nakikita ang haring ipinangako ng Panginoon. 27 Nang araw na iyon, sa patnubay ng Banal na Espiritu ay pumunta siya sa templo. At nang dalhin doon nina Maria at Jose si Jesus upang ihandog sa Panginoon ayon sa Kautusan, nakita ni Simeon ang sanggol. 28 Kinarga niya ito at pinuri ang Dios. Sinabi niya:
29 “Panginoon, maaari nʼyo na akong kunin na inyong lingkod,
dahil natupad na ang pangako nʼyo sa akin.
Mamamatay na ako nang mapayapa,
30 dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas,
31 na inihanda ninyo para sa lahat ng tao.
32 Siya ang magbibigay-liwanag sa isipan ng mga hindi Judio na hindi nakakakilala sa iyo,
at magbibigay-karangalan sa inyong bayang Israel.”
33 Namangha ang ama at ina ng sanggol sa sinabi ni Simeon tungkol sa sanggol. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, “Ang batang itoʼy itinalaga upang itaas at ibagsak ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Dios. Pero marami ang magsasalita ng laban sa kanya. 35 Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao.”
36 Naroon din sa templo ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Anak siya ni Fanuel na mula sa lahi ni Asher. Matandang-matanda na siya. Pitong taon lang silang nagsama ng kanyang asawa 37 bago siya nabiyuda. At ngayon, 84 na taon na siya.[c] Palagi siyang nasa templo; araw-gabi ay sumasamba siya sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno. 38 Lumapit siya nang oras ding iyon kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Dios. At nagsalita rin siya tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa araw ng pagliligtas ng Dios sa Jerusalem.
39 Nang maisagawa na nina Jose at Maria ang lahat ng dapat nilang gawin ayon sa Kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret na sakop ng Galilea. 40 Lumaki ang batang si Jesus, at naging malakas at napakatalino. At pinagpala siya ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®