Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:97-104

Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh

(Mem)

97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
    araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
    kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
    pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
    pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
    ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
    pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
    matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
    kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.

Exodo 16:31-35

31 Manna[a] (A) ang itinawag ng mga Israelita sa pagkaing pinupulot nila. Ito'y parang buto ng kulantro, maputi at lasang galyetas na minasa sa pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Kumuha kayo ng kalahating salop ng manna. Itatago ninyo ito upang makita ng inyong magiging mga anak at mga apo ang pagkaing ibinigay ko sa inyo nang ilabas ko kayo sa Egipto.’” 33 Sinabi(B) naman ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang banga at lagyan mo ng kalahating salop na manna. Pagkatapos, ialay mo sa harapan ni Yahweh upang itago para sa ating magiging mga anak at mga apo.” 34 Gaya ng iniutos ni Yahweh kay Moises, inilagay ni Aaron sa loob ng Kaban ng Tipan ang palayok ng manna. 35 Manna(C) ang kinain ng mga Israelita sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa dumating sila sa Canaan.

Roma 16:1-16

Mga Pangungumusta

16 Itinatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe, na isang tagapaglingkod ng iglesya sa Cencrea. Tanggapin ninyo siya alang-alang sa Panginoon, gaya ng nararapat gawin sa mga hinirang ng Diyos. Tulungan ninyo siya sa anumang pangangailangan niya sapagkat marami siyang natulungan, at ako'y isa sa mga iyon.

Ikumusta(A) ninyo ako kina Priscila at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. Itinaya nila ang kanilang sarili sa panganib upang iligtas ang aking buhay, at hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila, pati na rin lahat ng iglesya ng mga Hentil. Ikumusta rin ninyo ako sa iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay.

Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa mahal kong kaibigang si Epeneto na siyang unang sumampalataya kay Cristo doon sa Asia. Ikumusta ninyo ako kay Maria na matiyagang naglilingkod para sa inyo. Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Andronico at Junia,[a] na nakasama ko sa bilangguan; sila'y kilala ng mga apostol[b] at naunang naging Cristiano kaysa sa akin.

Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon, kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Cristo, at sa mahal kong kaibigang si Estaquis. 10 Ikumusta din ninyo ako kay Apeles na subok ang katapatan kay Cristo, sa pamilya ni Aristobulo, 11 sa kababayan kong si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa sambahayan ni Narciso.

12 Gayundin kina Trifena at Trifosa na mga lingkod ng Panginoon, at sa mahal kong kaibigang si Persida, na marami nang nagawa para sa Panginoon. 13 Binabati(B) ko rin si Rufo na magiting na lingkod ng Panginoon, at ang kanyang ina na para ko na ring ina; 14 gayundin sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. 15 Binabati ko rin sina Filologo, Julia, Nereo at ang kanyang kapatid na babae; gayundin si Olimpas at ang lahat ng kapatid na kasama nila.

16 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[c] Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.