Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 119:41-48

Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh

(Vav)

41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
    ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
    yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
    pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
    yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
    hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
    di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
    sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.

Genesis 17

Ang Pagtutuli, Palatandaan ng Kasunduan

17 Nang siyamnapu't siyam na taon na si Abram, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi, “Ako ang Makapangyarihang Diyos. Sumunod ka sa akin at ingatan mong walang dungis ang iyong sarili habang ikaw ay nabubuhay. Ako'y makikipagtipan sa iyo at lubhang pararamihin ko ang iyong lahi.” Pagkarinig nito'y nagpatirapa si Abram. Sinabi pa sa kanya ng Diyos, “Ito ang aking tipan sa iyo: Ikaw ay magiging ama ng maraming bansa. Hindi(A) na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham,[a] sapagkat ngayo'y ginagawa kitang ama ng maraming bansa. Pararamihin ko nga ang iyong lahi at magtatatag sila ng mga bansa; at may magiging hari sa kanila.

“Tutuparin(B) ko ang aking pangako sa iyo at sa iyong lahi habang panahon, at ako'y magiging Diyos ninyo. Ibibigay(C) ko sa iyo at sa iyong magiging lahi ang lupaing ito ng Canaan na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ito ang magiging pag-aari nila sa habang panahon, at ako ang kanilang magiging Diyos.”

Sinabi pa ng Diyos kay Abraham, “Ikaw at ang lahat ng susunod mong salinlahi ay dapat maging tapat sa ating kasunduan. 10 Ganito(D) ang inyong gagawin: lahat ng lalaki sa inyo ay tutuliin, 11 at iyan ang magiging palatandaan ng ating tipan. 12 Lahat ng lalaki na isisilang sa inyong lahi ay tutuliin pagsapit ng ikawalong araw, kasama rito ang mga aliping isinilang sa inyong sambahayan, gayundin ang mga aliping binili sa dayuhan. 13 Ang palatandaang ito sa inyong katawan ang magiging katibayan ng ating walang katapusang kasunduan. 14 Ang sinumang lalaking hindi tuli ay ititiwalag sa iyong lahi sapagkat hindi siya tumupad sa ating kasunduan.”

15 Sinabi pa rin ng Diyos kay Abraham, “Hindi na Sarai ang itatawag mo sa iyong asawa kundi Sara[b] 16 sapagkat siya'y pagpapalain ko. Magkakaanak ka sa kanya at siya'y magiging ina ng maraming bansa; may magiging hari mula sa kanyang mga salinlahi.”

17 Muling nagpatirapa si Abraham, ngunit napatawa siya nang kanyang maisip na siya'y matanda na. Nasabi niya sa sarili, “Magkakaanak pa ba ang isang lalaki na sandaang taóng gulang na? At si Sara! Maglilihi pa ba siya gayong siya'y siyamnapung taon na?” 18 At sinabi niya sa Diyos, “Bakit hindi na lang po si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?”

19 Kaya't sumagot ang Diyos, “Hindi; ang asawa mong si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki at tatawagin mo siyang Isaac.[c] Makikipagtipan ako sa kanya at sa kanyang lahi magpakailanman. 20 Tungkol naman kay Ismael, ipagkakaloob ko ang kahilingan mo: Pagpapalain ko siya at pararamihin ko rin ang kanyang lahi. Magkakaanak siya ng labindalawang prinsipe, at magiging bansang makapangyarihan ang kanyang salinlahi. 21 Ngunit ang aking tipan sa iyo ay matutupad kay Isaac, na isisilang ni Sara sa isang taon, sa ganito ring panahon.” 22 Pagkasabi nito, nilisan ng Diyos si Abraham.

23 Nang araw ring iyon, ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham si Ismael at lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan, maging ang aliping ipinanganak doon o binili. 24 Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taon na nang tuliin, 25 si Ismael naman ay labingtatlo. 26 Tinuli sila sa parehong araw, 27 at noon ding araw na iyon tinuli ang kanyang mga alipin.

Mga Hebreo 13:1-16

Paglilingkod na Nakalulugod sa Diyos

13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. Palaging(A) maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman. Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon.

Dapat(B) ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.

Huwag(C) kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Kaya't(D) malakas ang loob nating masasabi,

“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
    hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa sa akin ng tao?”

Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman. Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa pagkain.

10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. 11 Ang(E) dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. 15 [Kaya't][a] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.