Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Papuri
33 Kayong mga matuwid,
sumigaw kayo sa galak,
dahil sa ginawa ng Panginoon!
Kayong namumuhay ng tama,
nararapat ninyo siyang purihin!
2 Pasalamatan ninyo ang Panginoon
sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit.
Tugtugan ninyo siya ng buong husay,
at sumigaw kayo sa tuwa.
4 Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
at maaasahan ang kanyang mga gawa.
5 Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan.
Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon,
ang langit ay nalikha;
sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
7 Inipon niya ang dagat[a] na parang inilagay sa isang sisidlan.
8 Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon,
9 dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10 Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11 Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman,
at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.
12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
Ang Kasunduan ng Dios at ni Abram
15 Pagkatapos noon, nagsalita ang Panginoon kay Abram sa pamamagitan ng isang pangitain. Sinabi niya, “Abram, huwag kang matakot dahil ako ang magiging kalasag mo at gagantimpalaan kita.”
2 Pero sinabi ni Abram, “O Panginoong Dios, ano po ang halaga ng gantimpala nʼyo sa akin dahil hanggang ngayon ay wala pa po akong anak. Ang magiging tagapagmana ko po ay si Eliezer na taga-Damascus. 3 Dahil hindi nʼyo po ako binigyan ng anak, kaya isa sa mga alipin ng sambahayan ko ang magmamana ng mga ari-arian ko.”
4 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hindi siya ang magmamana ng mga ari-arian mo kundi ang sarili mong anak.” 5 Pagkatapos, dinala siya ng Panginoon sa labas at sinabi, “Masdan mo ang mga bituin sa langit, bilangin mo kung makakaya mo. Magiging ganyan din karami ang lahi mo.”
6 Nanalig si Abram sa Panginoon. At dahil dito, itinuring siyang matuwid.
7 Sinabi pa niya kay Abram, “Ako ang Panginoon na nag-utos sa iyo na lisanin ang Ur na sakop ng mga Caldeo[a] para ibigay sa iyo ang lupaing ito at magiging pag-aari mo.”
8 Pero sinabi ni Abram, “O Panginoong Dios, paano ko po malalaman na magiging akin ito?”
9 Sumagot ang Panginoon, “Dalhan mo ako rito ng isang dumalagang baka, isang babaeng kambing, at isang lalaking tupa, na ang bawat isaʼy tatlong taon ang gulang. At magdala ka rin ng isang inakay na batu-bato at isang inakay na kalapati.”
10 Kaya dinala ni Abram ang lahat ng ito sa Panginoon. Pagkatapos, pinaghati-hati niya at inilapag sa gitna na magkakatapat ang bawat kabiyak. Ang batu-bato lamang at ang kalapati ang hindi niya hinati. 11 Dumadapo sa hinating mga hayop ang mga ibong kumakain ng patay, pero binubugaw ito ni Abram.
12 Nang palubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram at matinding takot ang dumating sa kanya. 13 Pagkatapos, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Siguradong ang iyong mga lahi ay maninirahan sa ibang bansa, at gagawin silang mga alipin doon at pagmamalupitan sa loob ng 400 taon. 14 Ngunit parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Pagkatapos, aalis sila sa bansang iyon na dala ang maraming kayamanan. 15 Ikaw naman Abram, pahahabain ko ang buhay mo at mamamatay ka sa katandaan na may kapayapaan. 16 Lilipas muna ang apat na henerasyon bago makabalik dito ang mga lahi mo, dahil hindi pa umaabot sa sukdulan ang pagkakasala ng mga Amoreo para parusahan sila at paalisin sa lupaing ito.”
17 Nang lumubog na ang araw at dumilim na, biglang may nakita si Abram na palayok na umuusok at nakasinding sulo, na dumaraan sa gitna ng mga hinating hayop. 18 Sa araw na iyon, gumawa ng kasunduan ang Panginoon kay Abram. Sinabi niya, “Ibibigay ko sa mga lahi mo ang lupaing ito mula sa dulo ng ilog na hangganan ng Egipto hanggang sa malaking ilog na Eufrates. 19 Ito ang lupain ng mga Keneo, Kenizeo, Kadmoneo, 20 Heteo, Perezeo, Refaimeo,
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag
27 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na sumisigaw, “Anak ni David,[a] maawa po kayo sa amin!” 28 Pagdating ni Jesus sa bahay na kanyang tutuluyan, lumapit sa kanya ang mga bulag na lalaki. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na kaya ko kayong pagalingin?” Sumagot sila, “Opo, Panginoon.” 29 At hinipo ni Jesus ang mga mata nila, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nakakita nga ang dalawa. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nila itong sasabihin kaninuman. 31 Pero umalis ang dalawa at ibinalita nila sa buong lugar na iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Pipi
32 Habang paalis na sina Jesus, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. 33 Pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu, at nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao at sinabi, “Kailanman ay hindi pa nangyari ang ganito sa buong Israel.” 34 Pero sinabi ng mga Pariseo, “Ang pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®