Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios
16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
dahil sa inyo ako nanganganlong.
2 Kayo ang aking Panginoon.
Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
3 Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
lubos ko silang kinalulugdan.
4 Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.
5 Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
6 Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
7 Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
8 Panginoon palagi ko kayong iniisip,
at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
9 Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.
6 Iukit mo ang pangalan ko sa puso mo para patunayan na ako lamang ang mahal mo. At ako lamang ang yayakapin ng mga bisig mo. Makapangyarihan ang pag-ibig gaya ng kamatayan; maging ang pagnanasa ay hindi mapipigilan. Ang pag-ibig ay parang lumiliyab at lumalagablab na apoy. 7 Kahit laksa-laksang tubig, hindi ito mapipigilan. Sinumang magtangkang bilhin ito kahit ng lahat niyang yaman ay baka malagay lamang sa kahihiyan.
Nagpakita si Jesus kay Maria na Taga-Magdala(A)
11 Naiwan si Maria sa labas ng libingan na umiiyak. Habang umiiyak, sumilip siya sa loob ng libingan 12 at nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi. Nakaupo sila sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, isa sa may ulunan at isa sa may paanan. 13 Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya, “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya dinala.” 14 Pagkasabi nitoʼy lumingon siya at nakita si Jesus na nakatayo, pero hindi niya nakilala na si Jesus iyon. 15 Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ba ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang siya ang hardinero roon, sumagot si Maria, “Kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro nʼyo sa akin kung saan nʼyo siya dinala, at kukunin ko siya.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maria!” Humarap si Maria kay Jesus at sinabi sa wikang Hebreo, “Rabboni!” (Ang ibig sabihin ay “Guro”.) 17 Sinabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, dahil hindi pa ako nakakabalik sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihing babalik na ako sa aking Ama na inyong Ama, at sa aking Dios na inyong Dios.” 18 Kaya pinuntahan ni Maria na taga-Magdala ang mga tagasunod ni Jesus at ibinalita sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At sinabi niya sa kanila ang mga ipinapasabi ni Jesus.
Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya(B)
19 Nang takip-silim na ng araw na iyon, nagsama-sama ang mga tagasunod ni Jesus. Ikinandado nila ang mga pinto dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya ang sugat sa mga kamay at tagiliran niya. Labis na natuwa ang mga tagasunod nang makita ang Panginoon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®