Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 23

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

1 Samuel 15:22-31

22 Pero sumagot si Samuel, “Mas nalulugod ba ang Panginoon sa mga handog ninyo kaysa sa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa Panginoon ay mas mabuti kaysa sa mga handog. Ang pakikinig sa kanya ay mas mabuti kaysa sa paghahandog ng mga taba ng tupa. 23 Ang pagsuway sa Panginoon ay kasinsama ng pangkukulam at ang katigasan ng uloʼy kasinsama ng pagsamba sa mga dios-diosan. Dahil sa pagsuway mo sa salita ng Panginoon, inayawan ka rin niya bilang hari.”

24 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako; hindi ko sinunod ang mga turo mo at ang utos ng Panginoon. Natakot ako sa mga tao, kaya sinunod ko ang gusto nilang mangyari. 25 Nagmamakaawa ako sa iyo na patawarin mo ako sa mga kasalanan ko at samahan mo ako sa pagsamba sa Panginoon.” 26 Pero sinabi ni Samuel, “Hindi ako sasama sa iyo. Dahil sa pagsuway mo sa Panginoon, ayaw na niya sa iyo bilang hari ng Israel.”

27 Nang patalikod na si Samuel para umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit niya at napunit ito. 28 Sinabi ni Samuel sa kanya, “Inalis na sa iyo ngayon ng Panginoon ang kaharian ng Israel at ibinigay ito sa iba – sa isang tao na mas mabuti kaysa sa iyo. 29 Ang Dios ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi tulad ng tao na pabago-bago ng isip.” 30 Sumagot si Saul, “Nagkasala ako! Nakikiusap ako, parangalan mo ako sa harap ng mga tagapamahala ng aking mga mamamayan at ng buong Israel sa pamamagitan ng pagsama sa akin sa pagsamba sa Panginoon na iyong Dios.” 31 Kaya sumama si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa Panginoon.

Efeso 5:1-9

Mamuhay Bilang mga Taong Naliwanagan

Tularan nʼyo ang Dios dahil kayong lahat ay minamahal niyang mga anak. Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Cristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Dios.

Dahil mga banal kayo, hindi nararapat na ang isa man sa inyo ay masabihang siya ay malaswa, mahalay at sakim. At hindi rin nararapat na marinig sa inyo ang mga malalaswa o walang kabuluhang usapan at masasamang biro. Sa halip, maging mapagpasalamat kayo sa Dios. Tandaan ninyo: Walang taong mahalay, malaswa ang pamumuhay, at sakim ang mapapabilang sa kaharian ni Cristo at ng Dios. Sapagkat ang kasakiman ay tulad din ng pagsamba sa mga dios-diosan.

Huwag kayong padadala sa walang kabuluhang pangangatwiran ng iba tungkol sa masasama nilang gawain, dahil galit ang Dios sa mga suwail. Huwag kayong makikibahagi sa ginagawa ng mga taong ito. Dati, namumuhay kayo sa kadiliman, pero ngayon ay naliwanagan na kayo dahil kayo ay nasa Panginoon na. Kaya ipakita sa pamumuhay nʼyo na naliwanagan na kayo. (Sapagkat kung ang isang tao ay naliwanagan na, makikita sa kanya ang kabutihan, katuwiran, at katotohanan.)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®