Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 98

98 Oh magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit; sapagka't siya'y gumawa ng mga kagilagilalas na bagay: ang kaniyang kanan at ang kaniyang banal na bisig ay gumawa ng kaligtasan para sa kaniya:

Ipinakilala ng Panginoon ang kaniyang pagliligtas: ang kaniyang katuwiran ay ipinakilala niyang lubos sa paningin ng mga bansa.

Kaniyang inalaala ang kaniyang kagandahang-loob at ang kaniyang pagtatapat sa bahay ng Israel: nakita ng lahat ng mga wakas ng lupa ang pagliligtas ng aming Dios.

Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, buong lupa. Mangagpasimula at magsiawit dahil sa kagalakan, oo, magsiawit kayo ng mga pagpuri.

Magsiawit kayo sa Panginoon ng mga pagpuri ng alpa; ng alpa at ng tinig na tugma.

Ng mga pakakak at tunog ng corneta magkaingay kayo na may kagalakan sa harap ng Hari, ng Panginoon.

Humugong ang dagat at ang buong naroon; ang sanglibutan at ang nagsisitahan doon;

Ipakpak ng mga baha ang kanilang mga kamay; magawitan ang mga burol dahil sa kagalakan;

Sa harap ng Panginoon, sapagka't siya'y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng karapatan ang mga bayan.

Zacarias 8:1-17

At ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ako'y may paninibugho sa Sion ng malaking paninibugho, at ako'y may paninibugho sa kaniya ng malaking poot.

Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y nagbalik sa Sion, at tatahan ako sa gitna ng Jerusalem: at ang Jerusalem ay tatawagin, Bayan ng katotohanan; at ang bundok ng Panginoon ng mga hukbo, Ang banal na bundok.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Tatahanan pa ng mga matandang lalake at babae ang mga lansangan ng Jerusalem, bawa't tao na may kaniyang tungkod sa kaniyang kamay dahil sa totoong katandaan.

At ang mga lansangan ng bayan ay mapupuno ng mga batang lalake at babae na naglalaro sa mga lansangan niyaon.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kung maging kagilagilalas sa mga mata ng nalabi sa bayang ito sa mga araw na yaon, magiging kagilagilalas din naman baga sa aking mga mata? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking ililigtas ang aking bayan sa lupaing silanganan at sa lupaing kalunuran;

At aking dadalhin sila, at sila'y magsisitahan sa gitna ng Jerusalem; at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Dios, sa katotohanan at sa katuwiran.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Inyong palakasin ang inyong mga kamay, ninyong nangakakarinig sa mga araw na ito ng mga salitang ito sa bibig ng mga propeta, mula nang araw na ilagay ang tatagang-baon sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo, sa templo, upang matayo.

10 Sapagka't bago dumating ang mga araw na yaon ay walang upa sa tao, ni anomang upa sa hayop; at wala ring anomang kapayapaan doon sa lumalabas o pumapasok dahil sa kaaway: sapagka't aking inilagay ang lahat na tao na bawa't isa'y laban sa kaniyang kapuwa.

11 Nguni't ngayo'y sa nalabi sa bayang ito ay hindi ako magiging gaya ng mga unang araw, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

12 Sapagka't magkakaroon ng binhi ng kapayapaan; ang puno ng ubas ay magbubunga, at ang lupa'y mapapakinabangan, at ibibigay ng langit ang kaniyang hamog; at aking ipamamana sa nalabi sa bayang ito ang lahat na bagay na ito.

13 At mangyayari, na kung paanong kayo'y naging isang sumpa sa gitna ng mga bansa, Oh sangbahayan ni Juda, at sangbahayan ni Israel, gayon ko kayo ililigtas, at kayo'y magiging isang kapalaran. Huwag kayong mangatakot, kundi inyong palakasin ang inyong mga kamay.

14 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kung paanong inisip kong gawan kayo ng masama, nang mungkahiin ako ng inyong mga magulang sa poot, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at hindi ako nagsisi;

15 Gayon ko uli inisip sa mga araw na ito na gawan ng mabuti ang Jerusalem at ang sangbahayan ni Juda: huwag kayong mangatakot.

16 Ito ang mga bagay na inyong gagawin, Magsalita ang bawa't isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa; humatol kayo ng katotohanan at kapayapaan sa inyong mga pintuang-bayan;

17 At huwag magisip ang sinoman sa inyo ng kasamaan sa inyong puso laban sa kaniyang kapuwa; at huwag ninyong ibigin ang sinungaling na sumpa: sapagka't ang lahat ng ito ay mga bagay na aking kinapopootan, sabi ng Panginoon.

Juan 5:19-29

19 Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka't ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan.

20 Sapagka't sinisinta ng Ama ang Anak, at sa kaniya'y ipinakikita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa: at lalong dakilang mga gawa kay sa mga ito ang sa kaniya'y ipakikita niya, upang kayo'y magsipanggilalas.

21 Sapagka't kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayon din naman binubuhay ng Anak ang kaniyang mga ibigin.

22 Sapagka't ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;

23 Upang papurihan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpapapuri sa Ama. Ang hindi nagpapapuri sa Anak ay hindi nagpapapuri sa Ama na sa kaniya'y nagsugo.

24 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan.

25 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Dios; at ang mangakarinig ay mangabubuhay.

26 Sapagka't kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili:

27 At binigyan niya siya ng kapamahalaang makahatol, sapagka't siya'y anak ng tao.

28 Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka't dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig,

29 At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain