Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 5:1-8

Pakinggan mo ang aking mga salita, Oh Panginoon, pakundanganan mo ang aking pagbubulaybulay.

Dinggin mo ang tinig ng aking daing, Hari ko, at Dios ko; sapagka't sa iyo'y dumadalangin ako.

Oh Panginoon, sa kinaumagaha'y didinggin mo ang aking tinig; sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa iyo, at magbabantay ako.

Sapagka't ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan: ang masama ay hindi tatahang kasama mo.

Ang hambog ay hindi tatayo sa iyong paningin: iyong kinapopootan ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan.

Iyong lilipulin sila na nangagsasalita ng mga kabulaanan: kinayayamutan ng Panginoon ang taong mabangis at magdaraya,

Nguni't sa ganang akin, sa kasaganaan ng iyong kagandahang-loob ay papasok ako sa iyong bahay; sa takot sa iyo ay sasamba ako sa dako ng iyong banal na templo.

Patnubayan mo ako, Oh Panginoon, sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway; patagin mo ang iyong daan sa harapan ko.

1 Mga Hari 20:1-22

20 At pinisan ni Ben-adad na hari sa Siria ang buong hukbo niya: at may tatlong pu't dalawang hari na kasama siya, at mga kabayo, at mga karo: at siya'y umahon at kinubkob ang Samaria, at nilabanan yaon.

At siya'y nagsugo ng mga sugo kay Achab na hari sa Israel, sa loob ng bayan, at sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ben-adad,

Ang iyong pilak at ang iyong ginto ay akin: pati ng iyong mga asawa at ng iyong mga anak, ang mga pinaka mahusay, ay akin.

At ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, Ayon sa iyong sabi, panginoon ko, Oh hari; ako'y iyo, at lahat ng aking tinatangkilik.

At ang mga sugo ay bumalik, at nagsabi, Ganito ang sinasalita ni Ben-adad na sinasabi, Ako'y tunay na nagsugo sa iyo, na nagpapasabi, Iyong ibibigay sa akin ang iyong pilak, at ang iyong ginto, at ang iyong mga asawa, at ang iyong mga anak;

Nguni't susuguin ko sa iyo kinabukasan ang aking mga lingkod; sa may ganitong panahon, at kanilang sasaliksikin ang iyong bahay, at ang mga bahay ng iyong mga lingkod, at mangyayari, na anomang maligaya sa harap ng iyong mga mata ay hahawakan nila ng kanilang kamay, at dadalhin.

Nang magkagayo'y tinawag ng hari ng Israel ang lahat na matanda sa lupain, at sinabi, Isinasamo ko sa inyo na inyong tandaan at tingnan kung paanong ang taong ito'y humahanap ng pakikipagkaalit: sapagka't kaniyang ipinagbilin ang aking mga asawa, at aking mga anak, at aking pilak, at aking ginto; at hindi ko ipinahindi sa kaniya.

At sinabi sa kaniya ng lahat na matanda at ng buong bayan, Huwag mong dinggin, o tulutan man.

Kaya't kaniyang sinabi sa mga sugo ni Ben-adad, Saysayin ninyo sa aking panginoon na hari, Ang lahat na iyong ipinasugo sa iyong lingkod ng una ay aking gagawin: nguni't ang bagay na ito ay hindi ko magagawa. At ang mga sugo ay nagsialis at nagsipagbalik ng salita sa kaniya.

10 At si Ben-adad ay nagsugo sa kaniya, at nagsabi, Gawing gayon ng mga dios sa akin, at lalo na kung ang alabok sa Samaria ay magiging sukat na dakutin ng buong bayan na sumusunod sa akin.

11 At ang hari sa Israel ay sumagot, at nagsabi, Saysayin ninyo sa kaniya na huwag maghambog ang nagbibigkis ng sakbat na gaya ng naghuhubad.

12 At nangyari, nang marinig ni Ben-adad ang pasugong ito, sa paraang siya'y umiinom, siya, at ang mga hari sa mga kulandong, na kaniyang sinabi sa kaniyang mga lingkod, Magsihanay kayo. At sila'y nagsihanay laban sa bayan.

13 At, narito, isang propeta ay lumapit kay Achab na hari sa Israel, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Nakita mo ba ang lubhang karamihang ito? narito, aking ibibigay sa iyong kamay sa araw na ito; at iyong makikilala na ako ang Panginoon.

14 At sinabi ni Achab, Sa pamamagitan nino? At kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan. Nang magkagayo'y sinabi niya, Sino ang magpapasimula ng pagbabaka? At siya'y sumagot, Ikaw.

15 Nang magkagayo'y kaniyang hinusay ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at sila'y dalawang daan at tatlong pu't dalawa; at pagkatapos ay kaniyang pinisan ang buong bayan, ang lahat ng mga anak ni Israel, na may pitong libo.

16 At sila'y nagsialis ng katanghaliang tapat. Nguni't si Ben-adad ay umiinom na lango sa mga kulandong, siya, at ang mga hari, na tatlong pu't dalawang hari na nagsisitulong sa kaniya.

17 At ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan ay nagsilabas na una; at si Ben-adad ay nagsugo, at isinaysay nila sa kaniya, na sinabi, May mga taong nagsilabas na mula sa Samaria.

18 At kaniyang sinabi, Maging sila'y magsilabas sa ikapapayapa, ay hulihin ninyong buhay; o maging sila'y magsilabas sa pakikidigma, ay hulihin ninyong buhay.

19 Sa gayo'y ang mga ito ay lumabas sa bayan, ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at ang hukbong sumusunod sa kanila.

20 At pinatay ng bawa't isa ang kanikaniyang kalabang lalake; at ang mga taga Siria ay nagsitakas, at hinabol sila ng Israel; at si Ben-adad na hari sa Siria ay tumakas na nakasakay sa isang kabayo na kasama ng mga mangangabayo.

21 At ang hari sa Israel ay lumabas, at sinaktan ang mga kabayo at mga karo, at pinatay ang mga taga Siria ng malaking pagpatay.

22 At ang propeta ay lumapit sa hari sa Israel, at nagsabi sa kaniya, Ikaw ay yumaon, magpakalakas ka, at iyong tandaan, at tingnan mo kung ano ang iyong ginagawa; sapagka't sa pagpihit ng taon ay aahon ang hari sa Siria laban sa iyo.

Santiago 4:1-7

Saan nagbubuhat ang mga pagbabaka at saan nagbubuhat ang mga pagaaway sa inyo? hindi baga nagbubuhat dito, sa inyong mga kalayawan na bumabaka sa inyong mga sangkap?

Kayo'y nangagiimbot, at kayo'y wala: kayo'y nagsisipatay, at kayo'y nangaiinggit, at hindi maaaring kamtan: kayo'y nangakikipagaway at nangakikipagbaka; kayo'y wala, sapagka't hindi kayo nagsisihingi.

Kayo'y nagsisihingi, at hindi kayo nagsisitanggap, sapagka't nagsisihingi kayo ng masama, upang gugulin sa inyong mga kalayawan.

Kayong mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios? Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios.

O iniisip baga ninyo na ang kasulatan ay nagsasalita ng walang kabuluhan? Ang Espiritu baga na pinatira sa atin ay nagnanais hanggang sa kapanaghilian?

Nguni't siya'y nagbibigay ng lalong biyaya. Kaya't sinasabi ng kasulatan, Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.

Pasakop nga kayo sa Dios; datapuwa't magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain