Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
5 Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan
ay umaabot hanggang sa kalangitan.
6 Ang inyong katuwiran ay kasintatag ng kabundukan.
Ang inyong paraan ng paghatol ay sinlalim ng karagatan.
Ang mga tao o hayop man ay inyong iniingatan, O Panginoon.
7 Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Dios!
Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo,
tulad ng pagkalinga ng inahing manok
sa kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang pakpak.
8 Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila ng masaganang handa,
at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog ng kaligayahan.
9 Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay.
Pinapaliwanagan nʼyo kami,
at naliliwanagan ang aming isipan.
10 Patuloy nʼyong ibigin ang mga kumikilala sa inyo,
at bigyan nʼyo ng katarungan ang mga namumuhay nang matuwid.
3 “Kung ang isang babae ay hiniwalayan ng kanyang asawa at ang babaeng ito ay mag-asawang muli, hindi na siya dapat bawiin ng kanyang unang asawa, dahil magpaparumi ito nang lubos sa inyong lupain. Kayong mga taga-Israel ay namumuhay na parang isang babaeng bayaran. Marami kayong minamahal na mga dios-diosan. Sa kabila ng lahat ng ito, tatawagin ko pa rin kayo na magbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
2 “Tingnan ninyo ang matataas na lugar kung saan kayo sumasamba sa inyong mga dios-diosan. May mga lugar pa ba roon na hindi ninyo dinungisan? Pinarumi ninyo ang lupain dahil sa kasamaan ninyo. Para kayong babaeng bayaran na nakaupo sa tabi ng daan at naghihintay ng lalaki. Tulad din kayo ng isang mapagsamantalang tao[a] na naghihintay ng mabibiktima niya sa ilang. 3 Iyan ang dahilan kung bakit hindi umuulan sa panahon ng tag-ulan. Pero sa kabila nito, matigas pa rin ang ulo ninyo gaya ng babaeng bayaran na hindi na nahihiya. 4 At ngayon sinasabi ninyo sa akin, ‘Ama ko, kayo po ay kasama[b] ko mula noong bata pa ako. 5 Palagi na lang ba kayong galit sa akin? Hanggang kailan pa po ba kayo magagalit sa akin?’ Ito ang sinasabi ninyo, pero ginagawa naman ninyo ang lahat ng masama na magagawa ninyo.”
18 Nakita ni Simon na sa pagpatong ng kamay ng mga apostol sa mga mananampalataya ay natanggap nila ang Banal na Espiritu. Kaya inalok niya ng pera sina Pedro at Juan at sinabi 19 “Bigyan ninyo ako ng ganyang kapangyarihan, para ang sinumang patungan ko ng kamay ay makatanggap din ng Banal na Espiritu.” 20 Pero sumagot si Pedro sa kanya, “Mawala ka sana at ang iyong pera! Sapagkat inaakala mong mabibili ng pera ang kaloob ng Dios. 21 Wala kang bahagi sa gawain namin, dahil marumi ang puso mo sa paningin ng Dios. 22 Kaya pagsisihan mo ang masama mong balak at manalangin ka sa Panginoon na patawarin ka sa iyong maruming pag-iisip. 23 Sapagkat nakikita kong inggit na inggit ka at alipin ng kasalanan.” 24 Sinabi ni Simon, “Kung maaari, manalangin din kayo sa Panginoon para sa akin upang hindi mangyari sa akin ang parusa na sinasabi ninyo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®