Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 25:1-10

25 Sa iyo, Oh Panginoon, iginagawad ko ang aking kaluluwa.

Oh Dios ko sa iyo'y tumiwala ako, huwag nawa akong mapahiya; huwag nawang magtagumpay sa akin ang aking mga kaaway.

Oo, walang naghihintay sa iyo na mapapahiya; sila'y mangapapahiya na nagsisigawa ng karayaan ng walang kadahilanan,

Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Panginoon; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.

Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan, at ituro mo sa akin; sapagka't ikaw ay Dios ng aking kaligtasan; sa iyo'y naghihintay ako buong araw.

Iyong alalahanin, Oh Panginoon, ang iyong malumanay na mga kaawaan, at ang iyong mga kagandahang-loob; sapagka't magpakailan man mula ng una.

Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsalangsang: ayon sa iyong kagandahang-loob ay alalahanin mo ako, dahil sa iyong kabutihan, Oh Panginoon.

Mabuti at matuwid ang Panginoon: kaya't tuturuan niya ang mga makasalanan sa daan.

Ang maamo ay papatnubayan niya sa kahatulan: at ituturo niya sa maamo ang daan niya.

10 Lahat na landas ng Panginoon ay kagandahang-loob at katotohanan sa mga gayon na nangagiingat ng kaniyang tipan at kaniyang mga patotoo.

Nehemias 9:26-31

26 Gayon ma'y naging manunuway sila at nanghimagsik laban sa iyo, at tinalikdan ang iyong kautusan, at pinatay ang iyong mga propeta na nangagpatotoo laban sa kanila na sila'y magsipanumbalik sa iyo, at sila'y nagsigawa ng malaking pamumungkahi.

27 Kaya't iyong ibinigay sila sa kamay ng kanilang mga kalaban, na siyang nangagpapanglaw sa kanila: at sa panahon ng kanilang kabagabagan, nang sila'y magsidaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit; at ayon sa iyong saganang mga kaawaan ay iyong binigyan sila ng mga tagapagligtas, na nangagligtas sa kanila sa kamay ng kanilang mga kalaban.

28 Nguni't pagkatapos ng kanilang kapahingahan, sila'y nagsigawa uli ng kasamaan sa harap mo: kaya't pinabayaan mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, na anopa't mga napapanginoon sa kanila: gayon ma'y nang sila'y magsipanumbalik, at magsidaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit; at madalas na iyong iniligtas sila ayon sa iyong mga kaawaan.

29 At sumaksi ka laban sa kanila, upang mangaibalik mo sila sa iyong kautusan. Gayon ma'y nagsigawa sila na may kapalaluan, at hindi dininig ang iyong mga utos, kundi nangagkasala laban sa iyong mga kahatulan, (na kung gawin ng isang tao, siya'y mabubuhay sa kanila,) at iniurong ang balikat at nagpatigas ng kanilang leeg, at hindi nangakinig.

30 Gayon ma'y tiniis mong malaon sila, at sumaksi ka laban sa kanila ng iyong Espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta: gayon ma'y hindi sila nangakinig: kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng mga bayan ng mga lupain.

31 Gayon ma'y sa iyong masaganang mga kaawaan ay hindi mo lubos na niwakasan sila, o pinabayaan man sila; sapagka't ikaw ay mapagbiyaya at maawaing Dios.

Lucas 21:20-24

20 Datapuwa't pagka nangakita ninyong nakukubkob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo'y talastasin ninyo na ang kaniyang pagkawasak ay malapit na.

21 Kung magkagayo'y ang mga nasa Judea ay magsitakas sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng bayan ay magsilabas; at ang mga nasa parang ay huwag magsipasok sa bayan.

22 Sapagka't ito ang mga araw ng paghihiganti, upang maganap ang lahat ng mga bagay na nangasusulat.

23 Sa aba ng mga nagdadalangtao, at ng mga nagpapasuso sa mga araw na yaon! sapagka't magkakaroon ng malaking kahapisan sa ibabaw ng lupa, at kagalitan sa bayang ito.

24 At sila'y mangabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak, at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa: at yuyurakan ang Jerusalem ng mga Gentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain