Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 103:1-13

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit na katha ni David.

103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
    At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
    at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
    at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
    at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
    kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.

Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
    natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
    ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
    hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
    yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
    hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.

11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
    gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
    gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
    gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.

Mga Awit 103:22

22 O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang,
    sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal;
O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!

Ezekiel 16:44-52

44 ilalapat sa iyo ang kasabihang ‘Kung ano ang puno ay siyang bunga.’ 45 Ang iyong ina ay isang Hetea at isang Amoreo naman ang iyong ama. Itinakwil ng iyong ina ang asawa niya't mga anak. Ganoon din ang ginawa ng mga kapatid mong babae, itinakwil ang asawa't mga anak. 46 Ang Samaria na siyang nakatatanda mong kapatid, pati ng kanyang sakop ay nasa gawing hilaga mo. Sa gawing timog naman, ang Sodoma na siya mong kapatid na bata, pati ng kanyang nasasakupan. 47 Hindi ka pa nasiyahang tumulad sa kasamaan ng iyong mga kapatid. Mas masama ka kaysa kanila.

48 “Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Ang ginawa mo at ng iyong nasasakupan ay hindi ginawa ng kapatid mong Sodoma at ng sakop nito. 49 Tingnan mo ang mga kasalanan ng Sodoma: siya at ang kanyang mga anak ay may maipagmamalaking kayamanan at kasaganaan sa buhay, ngunit hindi sila marunong tumulong sa mga nangangailangan, 50 naging palalo sila. Bukod doon, gumawa sila ng kasuklam-suklam na mga bagay. Nang makita ko ito, pinarusahan ko sila, gaya ng iyong nalalaman. 51 Ang kasalanan naman ng Samaria ay wala pa sa kalahati ng iyong kasalanan. Mas matuwid siya kaysa sa iyo sapagkat mas maraming kasuklam-suklam na gawain ang iyong ginawa kaysa kanya. 52 Sa iyo babagsak ang bigat ng kahihiyang akala mo ay nararapat sa iyong mga kapatid, sapagkat higit na kasuklam-suklam ang iyong gawain. Kaya, mararanasan mo ang kahihiyan at kadustaan, sapagkat sa mga ginawa mo'y lumabas pang mas mabuti kaysa sa iyo ang mga kapatid mo.

2 Pedro 1:1-11

Mula kay Simon Pedro, isang lingkod[a] at apostol ni Jesu-Cristo—

Para sa inyong lahat na tulad nami'y tumanggap ng napakahalagang pananampalatayang mula sa ating makatarungang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.

Tagubilin sa mga Tinawag at Pinili ng Diyos

Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang[b] kaluwalhatian at kadakilaan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas kayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos.

Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan ng kabuluhan at kapakinabangan. Ngunit kung wala sa inyo ang mga ito, kayo ay parang bulag at hindi nakakakita, at nakalimot na nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan.

10 Kaya nga, mga kapatid, lalo kayong maging masigasig upang matiyak ninyo na kayo ay tinawag at pinili ng Diyos. Kung gagawin ninyo ito, hindi kayo matitisod. 11 Sa ganitong paraan, kayo'y malugod na papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.