Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
8 Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, 9 “Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, 10 gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo—sa mga ibon, pati sa maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko. 11 Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” 12 Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: 13 Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. 14 Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa.”
17 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa.”
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.
18 Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay[a] nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo[b] sa Diyos. Siya'y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu. 19 Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20 Sila(A) ang mga espiritung ayaw sumunod noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang daong. Doon ay iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa tubig. 21 Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi nito nililinis ang dumi ng katawan; ito'y pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, 22 na umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan sa langit.
Ang Pagbautismo kay Jesus(A)
9 Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret sa Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. 10 Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang kalangitan at bumababa sa kanya ang Espiritu na tulad ng isang kalapati. 11 Narinig(B) niya ang isang tinig na mula sa langit at nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Pagtukso kay Jesus(C)
12 Pagkatapos, dinala agad ng Espiritu si Jesus sa ilang. 13 Nanatili siya roon nang apatnapung araw, at doo'y tinukso siya ni Satanas.[a] Doon ay may mababangis na hayop ngunit si Jesus ay pinaglingkuran ng mga anghel.
Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea(D)
14 Nang ibinilanggo si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15 Sinabi(E) niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos![b] Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.