Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 18:15-20

Ang Pangako na Magsusugo ng Propeta

15 “Palilitawin(A) ng Panginoon mong Diyos para sa iyo ang isang propeta na gaya ko mula sa iyong sariling mga kapatid. Sa kanya kayo makikinig.

16 Ito ang inyong hiniling sa Panginoon mong Diyos sa Horeb, sa araw ng pagtitipon nang inyong sabihin, ‘Huwag mong muling iparinig sa akin ang tinig ng Panginoon kong Diyos, ni ipakita pa sa akin itong malaking apoy, upang huwag akong mamatay.’

17 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tama ang sinasabi nila.

18 Ako'y hihirang para sa kanila ng isang propeta na gaya mo mula sa kanilang mga kapatid at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya at kanyang sasabihin sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kanya.

19 At(B) sinumang hindi makikinig sa aking mga salita na kanyang bibigkasin sa aking pangalan ay pananagutin ko tungkol doon.

Ang Bulaang Propeta

20 Ngunit ang propetang magsasalita ng salitang may kapangahasan sa aking pangalan, na hindi ko iniutos na kanyang sabihin o magsasalita sa pangalan ng ibang mga diyos, ang propetang iyon ay mamamatay.’

Mga Awit 111

111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
    sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
    na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
    ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
    lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
    sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
    ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
    ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
    kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
    Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(A) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
    ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
    Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!

1 Corinto 8

Tungkol sa mga Pagkaing Inihain sa Diyus-diyosan

Ngayon, tungkol sa mga pagkaing inihain sa mga diyus-diyosan: nalalaman natin na tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapalaki ng ulo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.

Kung ang sinuman ay nag-aakala na siya'y may nalalamang anuman, hindi pa niya nalalaman ang nararapat niyang malaman;

subalit kung ang sinuman ay nagmamahal sa Diyos, ang taong ito ay kilala niya.

Kaya, tungkol sa pagkain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, nalalaman natin na ang diyus-diyosan ay walang kabuluhan sa sanlibutan, at walang Diyos liban sa iisa.

Sapagkat bagaman mayroong mga tinatawag na mga diyos, maging sa langit o sa lupa, gaya nang pagkakaroon ng maraming mga “diyos” at maraming mga “panginoon,”

ngunit sa ganang atin ay may isang Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo'y para sa kanya, at may isang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya.

Gayunman, hindi lahat ng mga tao ay nagtataglay ng kaalamang ito. Subalit ang ilan na hanggang ngayon ay namihasa sa diyus-diyosan, ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa diyus-diyosan, at ang kanilang budhi, palibhasa'y mahina, ay nadudungisan.

Subalit ang pagkain ay hindi maglalapit sa atin sa Diyos. Hindi tayo nagkukulang kung tayo'y hindi kumain, at hindi tayo higit na mabuti kung tayo'y kumain.

Subalit mag-ingat kayo, baka ang kalayaan ninyong ito ay maging katitisuran sa mahihina.

10 Sapagkat kapag nakita ka ng iba na nakikisalo sa pagkain sa templo ng diyus-diyosan, ikaw na nagtataglay ng kaalaman, hindi kaya sila maganyak na kumain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, yamang mahina ang kanilang budhi?

11 Kaya't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napahamak ang mahina, ang kapatid na dahil sa kanya'y namatay si Cristo.

12 Kaya't sa pagkakasala laban sa mga kapatid, at sa pagsugat sa kanilang mahinang budhi, ay nagkakasala kayo laban kay Cristo.

13 Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailanman ay hindi ako kakain ng karne, upang ako'y huwag makapagpatisod sa aking kapatid.

Marcos 1:21-28

Ang Lalaking may Masamang Espiritu(A)

21 Nagpunta sila sa Capernaum. Nang araw ng Sabbath, kaagad siyang pumasok sa sinagoga at nagturo.

22 Namangha(B) sila sa kanyang aral, sapagkat sila'y tinuturuan niyang tulad sa isang may awtoridad at hindi gaya ng mga eskriba.

23 At bigla na lamang sa kanilang sinagoga ay may isang tao na may masamang espiritu; at siya'y sumigaw,

24 na nagsasabi, “Anong pakialam mo sa amin, Jesus ng Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”

25 Sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kanya!”

26 Nang kanyang mapangisay siya, ang masamang espiritu ay sumigaw nang malakas na tinig, at lumabas sa tao.

27 Silang lahat ay namangha, at nagtanungan sila sa isa't isa, na sinasabi, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihan siyang mag-utos maging sa masasamang espiritu at siya'y kanilang sinusunod.”

28 Agad na kumalat ang balita tungkol sa kanya sa buong palibot ng lupain ng Galilea.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001