Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Lucas 1:46-55

Umawit ng Papuri si Maria

46 Sinabi(A) ni Maria,

47 “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,
    at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas.
48 Sapagkat(B) nilingap niya ang abang kalagayan ng kanyang alipin.
    Sapagkat tiyak na mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa para sa akin ng mga dakilang bagay
    at banal ang kanyang pangalan.
50 Ang kanyang awa ay sa mga natatakot sa kanya
    sa lahat ng sali't-saling lahi.
51 Siya'y nagpakita ng lakas sa pamamagitan ng kanyang bisig;
    pinagwatak-watak niya ang mga palalo sa mga haka ng kanilang puso.
52 Ibinaba(C) niya ang mga makapangyarihan sa kanilang mga trono,
    at itinaas ang mga may abang kalagayan.
53 Ang mga gutom ay binusog niya ng mabubuting bagay,
    at ang mayayaman ay pinaalis niya na walang dalang anuman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang alipin,
    bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
55 Tulad(D) nang sinabi niya sa ating mga magulang,
    kay Abraham at sa kanyang binhi magpakailanman.”

1 Samuel 2:1-10

Nanalangin si Ana

Si(A) Ana ay nanalangin din at sinabi,

“Nagagalak ang aking puso sa Panginoon;
    ang aking lakas ay itinataas sa Panginoon.
Tinutuya ng aking bibig ang aking mga kaaway;
    sapagkat ako'y nagagalak sa iyong kaligtasan.
“Walang banal na gaya ng Panginoon;
    sapagkat walang iba maliban sa iyo,
    walang batong gaya ng aming Diyos.
Huwag na kayong magsalita nang may kapalaluan;
    huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng kaalaman,
    at ang mga kilos ay kanyang tinitimbang.
Nabali ang mga pana ng mga makapangyarihan,
    ngunit ang mahihina ay nagbigkis ng kalakasan.
Ang mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay;
    subalit ang dating gutom, gutom nila'y naparam.
Ang baog ay pito ang isinilang,
    ngunit ang may maraming anak ay namamanglaw.
Ang Panginoon ay pumapatay at bumubuhay;
    siya ang nagbababa sa Sheol at nag-aahon.
Ang Panginoon ay nagpapadukha at nagpapayaman;
    siya ang nagpapababa, at siya rin ay nagpaparangal.
Kanyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok,
    itinataas niya ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang sila'y paupuing kasama ng mga pinuno,
    at magmana ng trono ng karangalan.
Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon,
    at sa mga iyon ay ipinatong niya ang sanlibutan.
“Kanyang iingatan ang mga paa ng kanyang mga banal;
    ngunit ang masama ay ihihiwalay sa kadiliman;
    sapagkat hindi dahil sa lakas na ang tao'y nagtatagumpay.
10 Ang mga kaaway ng Panginoon ay madudurog;
    laban sa kanila sa langit siya'y magpapakulog.
Hahatulan ng Panginoon ang mga dulo ng lupa;
    bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari,
    at itataas ang kapangyarihan ng kanyang hinirang.”

Marcos 11:1-11

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)

11 Nang malapit na sila sa Jerusalem, sa may Betfage at Betania, malapit sa bundok ng mga Olibo, sinugo ni Jesus[a] ang dalawa sa kanyang mga alagad,

at sa kanila'y sinabi, “Pumunta kayo sa nayong nasa tapat ninyo at kaagad sa inyong pagpasok doon ay matatagpuan ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan at kunin ninyo iyon.

At kung may magsabi sa inyo, ‘Bakit ninyo ginagawa ito?’ sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon’ at ipadadala niya agad rito.”

Umalis sila at kanilang natagpuan ang batang asno na nakatali sa pintuan sa labas ng lansangan. At kinalagan nila ito.

Ang ilan sa nakatayo roon ay nagsabi sa kanila, “Anong ginagawa ninyo na inyong kinakalagan ang batang asno?”

At sinabi nila sa kanila ang sinabi ni Jesus at kanilang pinayagan sila.

Pagkatapos, dinala nila ang batang asno kay Jesus at inilagay nila sa ibabaw ng batang asno ang kanilang mga balabal at siya'y sumakay rito.

Maraming tao ang naglatag ng kanilang balabal sa daan at ang iba'y naglatag ng mga sanga na kanilang pinutol mula sa mga bukid.

Ang(B) mga nauuna at ang mga sumusunod ay nagsisigawan, “Hosana! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!

10 Mapalad ang dumarating na kaharian ng ating amang si David! Hosana sa kataas-taasan!”

11 Pumasok siya sa Jerusalem at pumunta sa templo. Nang matingnan niya sa palibot ang lahat ng bagay, palibhasa'y hapon na, pumunta siya sa Betania na kasama ang labindalawa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001