Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
17 Ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo naunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Ngunit sa ganito'y natupad ang sinabi ng Diyos noon pa man sa pamamagitan ng pahayag ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga magsisi na kayo at magbalik-loob sa Diyos upang mapatawad ang inyong mga kasalanan, 20 nang sa gayon ay dumating ang mga panahon ng ginhawa mula sa Panginoon; at upang kanyang maisugo si Jesus, ang Cristong itinalaga mula pa nang una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang panahong likhaing panibago ang lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos mula pa noong una sa pamamagitan ng pahayag ng kanyang mga banal na propeta. 22 Sinabi nga ni Moises, (A) ‘Ang Panginoon ninyong Diyos ay pipili mula sa inyong mga kababayan ng isang propetang gaya ko. Sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. 23 Ang (B) sinumang hindi makikinig sa propetang iyon ay ititiwalag sa bayan[a] ng Diyos at pupuksain.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa mga nangyayari sa mga araw na ito. 25 Kayo'y mula sa lahi ng mga propeta at kabilang sa tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ko ang lahat ng mga angkan sa daigdig.’ (C) 26 Nang muling buhayin ng Diyos ang kanyang lingkod, una siyang isinugo ng Diyos sa inyo, upang bawat isa sa inyo'y pagpalain sa pamamagitan ng paglalayo sa inyo mula sa inyong mga kasamaan.”
Si Pedro at si Juan sa Harap ng Sanhedrin
4 Nagsasalita pa sina Pedro at Juan[b] sa taong-bayan nang lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno ng mga bantay sa templo, at ang mga Saduceo. 2 Labis ang galit ng mga ito sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na si Jesus ay muling nabuhay, na siyang katibayan ng muling pagkabuhay ng mga patay. 3 Kaya dinakip nila ang dalawa at ikinulong hanggang kinaumagahan sapagkat gabi na noon. 4 Gayunma'y marami sa mga nakarinig sa kanilang ipinangaral ang sumampalataya; at umabot ang bilang nila sa may limang libong lalaki.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.