Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Umawit ng Papuri si Maria
46 Sinabi (A) ni Maria,
47 “Ang aking kaluluwa'y Panginoon ang dinadakila,
at sa aking Diyos na Tagapagligtas, espiritu ko'y labis ang tuwa.
48 Sapagkat (B) nilingap ang kanyang hamak na alipin.
At mula ngayo'y tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa akin
at banal ang pangalan niyang angkin.
50 Kanyang pagkahabag, lahat ng salinlahi ang abot
sa lahat ng sa kanya tunay na may takot.
51 Siya'y nagpakita ng lakas ng kanyang mga bisig;
pinagwatak-watak niya ang mga palalò sa mga haka ng kanilang puso at isip.
52 Ang (C) mga makapangyarihan mula sa trono'y kanyang ibinagsak,
at ang mga nasa abang kalagayan, kanya namang iniangat.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at ang mayayaman ay kanyang pinaalis na walang dalang baon.
54 Ang Israel na lingkod niya'y kanyang tinulungan,
bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
55 Ito'y (D) bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang salinlahi magpakailanman.”
16 Magalak kayong lagi. 17 Lagi kayong manalangin. 18 Ipagpasalamat ninyo sa Diyos ang lahat ng pangyayari, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus. 19 Huwag ninyong patayin ang alab ng Espiritu. 20 Huwag ninyong hamakin ang mga propesiya. 21 Suriin ninyong mabuti ang lahat ng bagay; panghawakan ninyo ang mabubuti. 22 Layuan ninyo ang lahat ng anyo ng kasamaan.
23 Nawa ang Diyos ng kapayapaan ang siyang magpabanal sa lahat sa inyo. Nawa'y manatiling walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang inyong espiritu, kaluluwa, at katawan, hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumatawag sa inyo, at gagawin niya ang mga ito.
6 (A)Isinugo ng Diyos ang isang taong nagngangalang Juan. 7 Dumating siya bilang isang saksi at upang magpatotoo tungkol sa ilaw, nang sa gayon ay maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. 8 Hindi siya ang ilaw, kundi isang magpapatotoo lamang tungkol sa ilaw.
Ang Pagpapatotoo ni Juan
19 At ito ang patotoo ni Juan nang nagpadala ang mga Judio ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang tanungin siya, “Sino ka ba?” 20 Nagpahayag siya at hindi nagkaila, kundi sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.” 21 (A)At tinanong nila si Juan, “Kung gayon, ikaw ba si Elias?” Sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At sumagot siya, “Hindi.” 22 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Sino ka? Bigyan mo kami ng kasagutang maaari naming ibigay sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” 23 (B)Sinabi niya,
“Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon,’
tulad ng sinabi ni propetang Isaias.” 24 Ang mga ito ay sugo mula sa mga Fariseo. 25 Muli silang nagtanong sa kanya, “Kung gayon bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, hindi rin ikaw si Elias, ni ang propeta?” 26 Sinagot sila ni Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo kilala; 27 siya ang dumarating na kasunod ko; hindi ako karapat-dapat na magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.” 28 Nangyari ito sa Betania sa kabilang ibayo ng Jordan kung saan nagbabautismo si Juan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.