Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
8 Subalit (A) huwag ninyong kaliligtaan ang isang bagay na ito, mga minamahal, na para sa Panginoon ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw. 9 Hindi nagpapabaya ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng iba. Pinagtitiisan lamang kayo ng Panginoon kaya hindi muna niya ginagawa ang ayon sa kanyang pangako. Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat na magsisi sapagkat ayaw niyang mapahamak ang sinuman. 10 Ngunit (B) darating ang araw ng Panginoon tulad ng pagdating ng isang magnanakaw. Maglalaho ang kalangitan kasabay ng isang malakas na tunog. Tutupukin ng apoy ang sangkap sa kalangitan at ang lupa at ang lahat ng naroon ay masusunog.[a] 11 At dahil ganito mawawasak ang lahat ng bagay, anong uri ng pagkatao ang dapat ninyong ipamuhay? Hindi ba dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos at pinadadali ang pagdating nito? Sa araw na iyon, matutupok ang kalangitan at ang mga bagay na naroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Ngunit, (C) naghihintay tayo sa pagdating ng pangako ng Diyos, ang bagong langit at ang bagong lupa na kung saan tinatahanan ng katuwiran.
14 Kaya nga, mga minamahal, habang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, walang dungis at kapintasan sa paningin ng Diyos. 15 Isipin ninyong ang pagtitiis ng Panginoon ay para sa inyong kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal nating kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
1 Ito ang pasimula ng ebanghelyo[a] ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos. 2 Nasusulat (B) sa aklat ni propeta Isaias,
“Narito, ang aking sugo ay ipinadadala ko sa iyong unahan.[b]
Siya ang maghahanda ng iyong daraanan.
3 Isang (C) tinig ang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
Tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang lalakaran.’ ”
4 Dumating sa ilang si Juan na nagbabautismo at nangangaral tungkol sa bautismo ng pagsisisi tungo sa pagpapatawad ng mga kasalanan. 5 Pumupunta sa kanya ang lahat ng mga tao mula sa lupain ng Judea at sa Jerusalem. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan. 6 Nakadamit (D) si Juan ng balahibo ng kamelyo, at yari sa balat ang kanyang sinturon. Mga balang at pulot-pukyutan ang kanyang pagkain. 7 Ganito ang kanyang ipinapangaral, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin. At hindi man lamang ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas. 8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.