Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
5 Mga kapatid, hindi na namin kayo kailangang sulatan kung kailan mangyayari ang lahat ng ito. 2 Alam ninyo na tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi ang pagdating ng Araw ng Panginoon. 3 Habang sinasabi ng mga taong “Tiwasay at mapayapa ang lahat,” biglang darating sa kanila ang kapahamakan. Walang makaiiwas sapagkat ang pagdating nito'y gaya ng pagsakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. 4 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya hindi na kayo mabibigla sa pagdating ng araw na iyon na darating ngang tulad ng magnanakaw. 5 Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at anak ng araw. Hindi tayo pag-aari ng gabi o ng dilim. 6 Kaya huwag tayong tumulad sa ibang mga natutulog. Sa halip, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa at malinaw ang pag-iisip. 7 Karaniwang natutulog ang tao sa gabi, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. 8 Ngunit dahil tayo'y nasa panig ng araw, dapat maging malinaw ang ating isip, suot ang pananampalataya at pag-ibig bilang panangga sa dibdib, pati na rin ang helmet ng pag-asa sa kaligtasan. 9 Hindi tayo itinakda ng Diyos sa parusa, kundi upang tumanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang kung buháy man tayo o patay ay mabuhay tayong kasama niya. 11 Kaya nga patatagin ninyo at palakasin ang loob ng bawat isa tulad ng ginagawa na ninyo.
Ang Talinghaga tungkol sa mga Talento(A)
14 “Sapagkat (B) maihahalintulad dito ang kaharian ng Diyos: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin, at pinagbilinan sila tungkol sa kanyang mga ari-arian. 15 Ang isa ay binigyan niya ng limang talento,[a] ang isa ay dalawa, at ang isa naman ay isa. Binigyan ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan. Pagkatapos ay sumulong na siya. 16 Ang tumanggap ng limang talento ay umalis kaagad at ginamit ang mga iyon sa kalakal. At kumita siya ng lima pang talento. 17 Sa gayunding paraan, ang tumanggap ng dalawang talento ay kumita pa ng dalawa. 18 Ngunit ang tumanggap ng isa ay umalis. Naghukay siya sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon. 19 Pagkaraan ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon, at kanyang inalam kung ano na ang nangyari sa kanyang salapi. 20 Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagsulit ng lima pang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, pinagkatiwalaan mo ako ng limang talento. Narito po, kumita ako ng lima pang talento.’ 21 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Maganda ang ginawa mo! Mahusay at maaasahang alipin. Napagkatiwalaan ka sa kaunting bagay, kaya't pamamahalain kita sa maraming bagay. Makigalak ka sa iyong panginoon.’ 22 Lumapit din ang tumanggap ng dalawang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, pinagkatiwalaan mo ako ng dalawang talento. Narito po, kumita ako ng dalawa pang talento.’ 23 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Maganda ang ginawa mo! Mahusay at maaasahang alipin! Napagkatiwalaan ka sa kaunting bagay, kaya't pamamahalain kita sa maraming bagay. Makigalak ka sa iyong panginoon.’ 24 Lumapit din ang tumanggap ng isang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, alam ko pong kayo ay taong malupit. Gumagapas kayo sa hindi naman ninyo hinasikan, at umaani kayo sa hindi naman ninyo pinunlaan. 25 Kaya natakot ako at umalis. Ibinaon ko sa lupa ang inyong talento. Narito na po ang salapi ninyo.’ 26 Ngunit sumagot ang kanyang panginoon at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mo, tamad na alipin! Alam mo palang ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at umaani sa hindi ko pinunlaan. 27 Kung gayo'y bakit hindi mo inilagak ang aking salapi sa bangko, at nang sa aking pagbabalik ay matanggap ko sana kung ano ang akin kasama na ang tubo nito. 28 Kunin ninyo sa kanya ang talento, at ibigay ninyo sa may sampung talento! 29 Sapagkat (C) ang sinumang mayroon ay bibigyan pa at siya'y mananagana, subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin pa. 30 At (D) ang walang silbing alipin na ito ay itapon ninyo sa labas, doon sa kadiliman. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.