Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
13 Hinipan (A) ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, at narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng gintong dambana na nasa harap ng Diyos, 14 na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may hawak ng trumpeta, “Pakawalan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.” 15 Kaya pinakawalan ang apat na anghel, na inihanda para sa takdang oras, araw, buwan, at taon, upang patayin ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan. 16 Dalawandaang milyon ang bilang ng mga hukbong nakasakay sa kabayo. Narinig ko ang kanilang bilang. 17 Sa (B) aking pangitain ay nakakita ako ng mga kabayo: na ang mga nakasakay ay may mga baluting kulay apoy, jacinto, at asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay tulad ng sa mga leon, at mula sa kanilang mga bibig ay may lumalabas na apoy, usok, at asupre. 18 Mula sa tatlong salot na ito, ikatlong bahagi ng sangkatauhan ang napatay sa pamamagitan ng apoy, usok, at asupreng lumalabas mula sa bibig nila. 19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang mga bibig at mga buntot. Ang mga buntot nila ay parang mga ahas; may mga ulo ito, at sa pamamagitan ng mga ito'y nakapamiminsala sila.
20 Ang (C) natirang sangkatauhan na hindi napatay ng mga salot na ito ay hindi nagsisi sa mga likha ng kanilang mga kamay, at hindi rin tumigil sa pagsamba sa demonyo at sa mga diyus-diyosang yari sa ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy, na hindi naman nakakakita, nakaririnig ni nakakalakad. 21 At hindi rin sila nagsisi sa kanilang pagpaslang, o pangungulam, pakikiapid, ni sa kanilang pagnanakaw.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.