Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 Tiyak na naaalala pa ninyo, mga kapatid, ang mga pagod at hirap namin; kung paano kami nagsikap araw at gabi upang hindi kami maging pasanin ninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos. 10 Kayo at ang Diyos ang aming saksi kung paano naging dalisay, matuwid, at walang-kapintasan ang aming pakikitungo sa inyong mga mananampalataya. 11 Alam ninyo kung paano kami naging tulad ng isang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas ang inyong loob at hinikayat na mamuhay na karapat-dapat sa Diyos na tumatawag sa inyong makibahagi sa kanyang paghahari at luwalhati.
13 Patuloy din ang aming pagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang ipinangaral namin sa inyo ang salita, tinanggap ninyo ito hindi bilang mula sa tao kundi bilang salita ng Diyos na nagbubunga sa inyong mga sumasampalataya.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo(A)
23 Pagkatapos nito ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad. 2 Wika niya, “Nakaupo sa upuan ni Moises ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Fariseo. 3 Kaya't inyong isagawa at sundin ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang kanilang mga ginagawa, sapagkat iba ang kanilang ginagawa sa kanilang sinasabi. 4 Nagtatali sila ng mabibigat na dalahin [at mahirap pasanin,][a] at ipinabubuhat nila sa mga tao; ngunit sila mismo ay ayaw man lamang humipo sa mga ito. 5 Ang lahat ng kanilang ginagawa ay upang ipakita lamang sa mga tao.(B) Pinapalapad nila ang kanilang mga pilakteria,[b] at pinahahaba ang laylayan ng kanilang mga damit. 6 Mahilig silang umupo sa mga upuang-pandangal sa mga piging at sa mga pangunahing upuan sa sinagoga. 7 Nais nilang pagpugayan sila ng mga tao sa pamilihan at tawagin silang ‘Rabbi’. 8 Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro at kayong lahat ay magkakapatid. 9 Huwag ninyong tawaging ama ninyo ang sinuman sa lupa; sapagkat iisa ang inyong Ama na nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na tagapanguna, sapagkat iisa ang inyong tagapanguna, ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.(C) 12 Ang nagtataas sa sarili (D) ay ibababa, at ang nagbababa sa sarili ay itataas.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.