Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
13 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat isinasara ninyo ang kaharian ng langit sa harap ng mga tao; palibhasa, kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga nagnanais pumasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok. 14 [Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at idinadahilan pa ninyo ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa.][a] 15 Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang makahikayat ng kahit isa, at kapag nahikayat na siya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno na doble pang masahol kaysa inyong mga sarili.
16 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga bulag na tagaakay. Sinasabi ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng templo, ay wala iyong kabuluhan. Subalit kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng gintong nasa templo, siya ay mananagot.’ 17 Mga hangal at mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpabanal sa ginto? 18 At sinasabi pa ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa pamamagitan ng dambana, wala iyong kabuluhan; subalit kung sinuma'y manumpa sa pamamagitan ng alay na nasa ibabaw ng dambana, siya ay mananagot.’ 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang alay o ang dambana na nagpabanal sa alay? 20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw niyon. 21 At ang nanunumpa sa ngalan ng templo ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa kanya na naninirahan doon. 22 Ang (A) nanunumpa sa ngalan ng langit ay nanunumpa sa harapan ng trono ng Diyos at sa kanyang nakaupo roon.
23 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (B) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng inyong mga gulayin gaya ng yerbabuena, ng anis at ng komino, subalit kinakaligtaan ninyo ang mas mahahalagang bagay ng Kautusan tulad ng katarungan, kahabagan, at katapatan. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, nang hindi pinababayaan ang iba. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang niknik, nilulunok naman ninyo ang kamelyo!
25 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punung-puno ang mga ito ng katakawan at kalayawan. 26 Bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan,[b] at magiging malinis din ang labas nito.
27 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (C) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga bangkay at ng sari-saring kabulukan. 28 At ganyan din kayo! Sa labas ay parang mga banal kung pagmasdan, ngunit sa loob ay punung-puno kayo ng pagkukunwari at kabuktutan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.