Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Gawain ni Pablo sa Tesalonica
2 Alam ninyong lahat mga kapatid na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. 2 Alam ninyong pinahirapan kami at hinamak sa Filipos, ngunit ang Diyos ang nagbigay ng lakas ng loob sa amin na ipahayag sa inyo ang kanyang ebanghelyo sa kabila ng maraming pagtutol. 3 Ang pangangaral namin sa inyo ay hindi nagmumula sa masamang layunin at hangad na manlinlang o kaya nama'y nais namin kayong dalhin sa kamalian. 4 Dahil minarapat ng Diyos na sa amin ay ipagkatiwala ang ebanghelyo, nangangaral kami hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na nakasisiyasat ng aming puso. 5 Alam ng Diyos at alam din ninyo na hindi kami gumamit ng pakunwaring papuri sa aming pangangaral, o ginamit ang aming pangangaral bilang balatkayo ng anumang sakim na hangarin. 6 Hindi kami naghangad ng papuri ng sinumang tao, kahit mula sa inyo, 7 bagaman bilang mga apostol ni Cristo ay may katwiran kaming humingi ng tulong sa inyo. Naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang anak. 8 Dahil sa laki ng aming pananabik sa inyo, buong kagalakang ibinahagi namin sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming buhay, dahil napamahal na kayo sa amin.
Ang Dakilang Utos(A)
34 Subalit nang mabalitaan ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo, sila'y nagpulong. 35 At isa sa kanila, na isang dalubhasa sa Kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin. 36 “Guro, alin po ba ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” 37 At (B) sinabi niya sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. 38 Ito ang dakila at pangunahing utos. 39 At katulad nito (C) ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ 40 Nakabatay sa (D) dalawang utos na ito ang buong Kautusan at ang mga propeta.”
Nagtanong si Jesus tungkol sa Anak ni David(E)
41 Habang nagkakatipon ang ilang mga Fariseo ay nagtanong sa kanila si Jesus. 42 Sabi niya, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kanino ba siyang anak?” Sumagot sila, “Kay David.” 43 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit noong si David ay nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,
44 ‘Sinabi (F) ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway” ’?
45 Kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siya magiging anak nito?” 46 Walang nakasagot sa kanya ni isa mang salita, at mula nang araw na iyon ay wala na ring nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.