Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
2 Dinala sa kanya ng mga tao ang isang paralitikong nakaratay sa isang banig. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Patatagin mo ang iyong loob, anak. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 3 May mga tagapagturo ng Kautusan na naroon ang nagsabi sa kani-kanilang sarili, “Lumalapastangan ang taong ito.” 4 Subalit dahil nalalaman ni Jesus ang kanilang mga iniisip, sinabi niya, “Bakit nag-iisip kayo ng masama sa inyong mga puso? 5 Alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’? o ang sabihing, ‘Bumangon ka at lumakad’? 6 Subalit upang malaman ninyong dito sa lupa, ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan,” sinabi niya sa paralitiko, “Bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan at umuwi ka na.” 7 Bumangon nga ang paralitiko at umuwi. 8 Nang makita ito ng napakaraming tao, natakot sila at nagbigay-luwalhati sa Diyos na nagkaloob ng gayong kapangyarihan sa mga tao.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.