Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
32 Kami ang nangangaral sa inyo ng Magandang Balita, na ang ipinangako ng Diyos sa ating mga ninuno, 33 ay (A) tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus! Gaya ng nasusulat sa ikalawang awit,
‘Ikaw ay aking Anak,
sa araw na ito'y naging Ama mo ako.’
34 (B) Tungkol sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkaagnas, ay ganito ang sinabi ng Diyos,
‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pangako kay David.’
35 Sinabi din niya sa iba pang bahagi, (C)
‘Hindi mo hahayaang dumanas ng pagkaagnas ang iyong Hinirang.’
36 Matapos maglingkod ni David ayon sa kalooban ng Diyos noong kanyang panahon, siya'y nahimlay at inilibing kasama ng kanyang mga ninuno. Dumanas siya ng pagkaagnas. 37 Subalit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkaagnas. 38 Dahil dito'y dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan; 39 at sa pamamagitan niya ang bawat sumasampalataya ay pinalalaya sa lahat ng bagay, pag-aaring ganap na hindi ninyo makakamit sa Kautusan ni Moises. 40 Kaya nga mag-ingat kayo, na huwag mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta:
41 ‘Tingnan (D) ninyo, mga mapanlibak!
Manggilalas kayo at mapahamak;
sapagkat isasagawa ko sa inyong panahon,
ang bagay na hindi ninyo mapaniniwalaan, kahit sabihin sa inyo ng sinuman.’ ”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.