Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Babala Laban sa Paghatol
11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Sinumang magsalita laban sa kanyang kapatid, o humahatol dito ay nagsasalita ng masama laban sa Kautusan at humahatol sa Kautusan. Ngunit kung ikaw ay humahatol sa Kautusan, hindi ka na tagatupad ng Kautusan, kundi isang hukom. 12 Iisa lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom na may kapangyarihang magligtas at pumuksa. Kaya sino ka para humatol sa iyong kapwa?
Babala Laban sa Kapalaluan
13 Makinig (A) kayo, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o ganoong bayan, at isang taon kaming titigil doon, mangangalakal at kikita nang malaki.” 14 Bakit, alam ba ninyo ang mangyayari bukas? Ano ba ang inyong buhay? Ang buhay ninyo'y usok lamang na sandaling lumilitaw at agad naglalaho. 15 Sa halip, ang dapat ninyong sabihin ay, “Kung loloobin ng Panginoon, mabubuhay pa kami at gagawin namin ito o iyon.” 16 Ngunit kayo ngayon ay nagmamalaki sa inyong kayabangan! Masama ang lahat ng ganyang kayabangan!
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.