Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala
13 Kaya nga huwag na tayong humatol sa isa't isa. Sa halip, pagpasyahan natin ito, na huwag tayong maglagay ng hadlang sa daan ng ating kapatid o maging sanhi ng pagkakasala ninuman. 14 Sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, alam ko at lubos akong naniniwala na walang bagay na likas na marumi. Ngunit kung itinuturing ninuman na marumi ang isang bagay, para sa kanya, ito ay nagiging marumi. 15 Kaya kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na namumuhay ayon sa pag-ibig. Namatay rin si Cristo para sa kanya, huwag mo siyang ipahamak dahil sa iyong pagkain. 16 Huwag mong hayaan na ang itinuturing mong mabuti ay masabing masama. 17 Sapagkat walang kinalaman ang pagkain at pag-inom sa paghahari ng Diyos, kundi ang pagiging matuwid, ang mapayapang pamumuhay at kagalakang dulot ng Banal na Espiritu. 18 Sapagkat sinumang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay kalugud-lugod sa Diyos at kaaya-aya sa mga tao. 19 Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makapagdudulot ng kapayapaan at makapagpapatibay sa isa't isa. 20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Totoong malinis ang lahat ng bagay, ngunit mali ang kumain ng isang bagay na makatitisod sa iba. 21 Mabuti pang huwag ka nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na makatitisod sa iyong kapatid. 22 Anuman ang paniniwalaan mo, hayaan mong ikaw na lamang at ang Diyos ang makaalam. Maligaya ang taong hindi sinusumbatan ang kanyang sarili dahil sa mga bagay na itinuturing niyang tama. 23 Ngunit ang may pag-aalinlangan ay hinahatulan kung siya'y kumakain, sapagkat ginagawa niya ito nang hindi batay sa paniniwala. Ang anumang hindi batay sa paniniwala ay kasalanan.
Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili
15 Tayong malalakas ang dapat magtiis sa mga kakulangan ng mga mahihina at huwag ang sarili ang bigyang kasiyahan. 2 Dapat na magsikap ang bawat isa sa atin na bigyang-kasiyahan ang ating kapwa sa kanyang kabutihan upang siya'y maging matatag.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.