Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sinumpa ang Puno ng Igos(A)
18 Nang kinaumagahan, habang pabalik siya sa lungsod ay nagutom siya. 19 Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang natagpuang kahit ano roon, kundi mga dahon lamang. Sinabi niya rito, “Hindi ka na muling mamumunga kahit kailan!” At biglang natuyo ang puno ng igos. 20 Nang ito'y makita ng mga alagad, nagtaka sila at nagtanong, “Paano nangyaring biglang natuyo ang puno ng igos?” 21 Sumagot (B) si Jesus at sinabi sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at walang pag-aalinlangan, hindi lamang ang nagawa sa puno ng igos ang inyong magagawa, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka diyan at itapon mo ang sarili sa dagat,’ ito ay mangyayari. 22 At anumang hingin ninyo sa panalangin, kung may kalakip na pananampalataya, ay inyong tatanggapin.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.