Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 Maging lantay ang pag-ibig. Kamuhian ninyo ang masama at panindigan ang mabuti. 10 Maging mapagmahal sa isa't isa bilang tunay na magkakapatid, at pahalagahan ninyo ang inyong kapwa nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyong mga sarili. 11 Magpakasipag kayo at ang kalooba'y lalo pang pag-alabin sa paglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa pagdurusa, at maging matiyaga sa pananalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga kapatid[a] na nangangailangan. Buksan ang inyong mga tahanan sa mga dayuhan. 14 Pagpalain (A) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo at huwag sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makitangis sa mga umiiyak. 16 Magkaisa (B) kayo sa pag-iisip. Huwag kayong magmataas, sa halip ay makisama sa mga dukha.[b] Huwag ninyong ipalagay na napakagaling ninyo. 17 Huwag ninyong gantihan ang masama ng masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa paningin ng lahat. 18 Sa abot ng inyong makakaya, makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga (C) minamahal, huwag kayong maghihiganti, sa halip ay bigyang-daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Ngunit, (D) “kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung siya'y nauuhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo nito ay parang malalagyan mo siya ng baga sa kanyang ulo.” 21 Huwag kang magpadaig sa masama, sa halip ay daigin mo ng mabuti ang masama.
Sinabi ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay(A)
21 Mula noon ay nagsimula si Jesus na tahasang sabihin sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem, at magdusa ng maraming bagay sa kamay ng matatandang pinuno, at sa mga pinunong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Doon, siya'y papatayin at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin. 22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Kahabagan ka nawa, Panginoon! Hindi po kailanman mangyayari iyon sa iyo.” 23 Hinarap niya si Pedro at sinabihan ito, “Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Sagabal ka sa akin, sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na may kinalaman sa Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”
Pasanin ang Krus at Sumunod kay Jesus
24 Pagkatapos (B) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, talikuran niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Sapagkat (C) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[a] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay kanyang matatagpuan ito. 26 Sapagkat ano ang magiging pakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong daigdig subalit buhay naman niya ang kapalit? O ano ang maibibigay ng tao, kapalit ng kanyang buhay? 27 Sapagkat (D) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at gagantihan niya ang lahat ng tao ayon sa kanilang mga gawa. 28 Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makalalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang Anak ng Tao na dumarating na naghahari sa kanyang kaharian.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.