Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig nila ang sinabi ni Pedro, kaya't nagtanong sila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro, “Talikuran ninyo ang inyong kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang patawarin kayo, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat para sa inyo ang pangako, at para sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, at sa lahat ng tatawagin ng ating Panginoong Diyos tungo sa kanya.” 40 Marami pang sinabi si Pedro bilang patunay upang sila'y himukin. Nakiusap siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa masamang lahing ito.” 41 Kaya't nagpabautismo ang tumanggap sa kanyang sinabi. At nang araw na iyon, may tatlong libong katao ang nadagdag sa mga alagad. 42 Masigasig silang nanatili sa mga turo ng apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa pananalangin.
Ang Buhay ng Magkakapatid
43 Naghari sa lahat ang takot, at maraming kababalaghan at himala ang naganap sa pamamagitan ng mga apostol. 44 At (A) nagsama-sama ang lahat ng mga mananampalataya at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw silang nagsasama-sama sa templo, at nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay. Ginagawa nila ang mga ito nang may galak at bukás na kalooban. 47 Habang nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng mga tao, ay araw-araw namang idinaragdag ng Panginoon sa kanila ang kanyang mga inililigtas.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.